May pinsala ang “No Disconnection Policy”

Inihayag ng APEC Party-list na hindi nito sinasang-ayunan ang pagpapatuloy ng “No Disconnection Policy” na isang patakarang pumipigil sa electric distribution utilities (DUs) na putulan ng elektrisidad ang mga konsyumer na may mga naipong bayarin sa ginamit na kuryente.

Ginawa ang panawaging ito sa gitna ng pagtutulak ng ilang mambabatas at ilang grupo na ituloy pa ang “No Disconnection Policy.”

Nagbabala rin ang ilang partylist na representate sa Konreso mula PHILRECA, Ako Padayon Pilipino, at RECOBODA, na kapag humaba pa ang hindi pagbayad ng kanilang mga kustomer, hindi na sila makakabayad sa kanilang mga power generators na, kapag hindi na rin makabili ng krudo, matitigil ang suplay ng kuryente at malaki ang magiging pinsala sa naghihirap nang ekonomiya.

Mga maliliit na non-profit kooperatiblang kuryente at kanilang mga konsyumer ang mga miyembro ng mga nasabing partylist.

Madaling intindihin ang problema ng mga electric cooperative o maliliit na DUs. Kung hindi nga naman makakasingil ang mga ito mula sa mga kustomer, wala na silang ipantutustos sa operasyon. Hindi mabayayaran ang generation companies o ang mga kinukunan ng mga ito ng kuryente at kapag ang mga DU ang mawalan ng kuryente, malawakan ang magiging epekto nito.

Sa panig ng Meralco, kusa nilang pinahaba pa ang palugit hanggang katapusan ng Enero pero hindi daw nila prayoridad ang putulan ng kuryente ang hindi pa rin makabayad at handang makipag-usap sa bawat kostomer.

Maraming dapat isaalang-alang, hindi simple at kailangang mas pag-aralan pa ng malaliman dahil hindi pare-pareho ang sitwasyon sa lahat ng kabayanan. Huwag natin daanin sa popularidad o emosyon. Datos dapat ang maging basehan ng polisiya.

Sa bahagi ng BK3, nananawagan kami na sama-sama tayong maging responsableng konsyumer dahil hindi naman tama ang takbuhan na lang ang ating pinagkakautangan. Ang mga DU naman ay dapat maging bukas makipag-usap sa kanilang mga konsyumer at magkaroon ng maayos na kasunduan. Kailangan nating mga konsyumer ang serbisyo ng mga DU at kailangan rin tayo ng mga DU.

Timbangin po nating mabuti ang usaping ito at magtulungan tayo. Kung napakinggan na natin dati ang hinaing ng mga konsyumer, pakinggan rin naman natin sa ngayon ang alalahanin ng ating mga electric coop na patuloy na nagbibigay ng serbisyo, lalo na sa malalayo at liblib na lugar sa bansa.