OPEN LETTER PARA SA MGA MAMBABATAS NG BICAM
OPEN LETTER PARA SA MGA MAMBABATAS NG BICAM:
Mga Kagalang-galang:
Isang magandang araw po sa inyo.
Nasaksihan natin ang pagpasa ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) sa ikatlong pagbasa sa House of Representatives at Senado. Kasalukuyang pinagpupulungan ito ng Bicameral Conference Committee upang mapagdesisyunan ang pinal na bersyon na ipapatupad sa susunod na taon. Kami ay nagagalak sa pagbawas ng buwis ng mga manggagawa, lalung-lalo na sa mga hindi umaabot sa Php 250,000 ang sweldo sa isang taon.
Sa kabila nito, sa aming opinion ay mapapawalang bisa ang magandang layunin at pakay ng TRAIN dahil malaki rin ang itataas ng presyo ng mga pang-araw-araw na mga bilihin. Una sa lahat, sa loob ng tatlong taon, tataas ang buwis ng krudo o diesel ng PhP 6.00 hanggang PhP 10.00 kada kilo (mula PhP 4.35 kada kilo sa kasalukuyan) na siyang ginagamit ng jeep at bus na inaasahan ng mas nakararaming mananakay sa pang-araw-araw nilang pangangailangan. Magdudulot ito ng malaking epekto, hindi lamang sa presyo ng transportasyon, kung hindi pati na rin sa ibang mga produkto tulad ng pagkain at iba pang pang araw araw na bilihin ng mga mamamayan. Pati rin ang presyo ng mga inumin tulad ng softdrinks at iba pang karaniwang bilihing may asukal ay pinatawan din ng mas malaking buwis na nagkakahalagang PhP 4.50 kada litro o PhP 9.00 kada litro depende sa klase ng inuman. Malaki ang kakainin nito sa kita ng ating mga kababayan dahil mga produkto itong madalas gamitin sa pang-araw-araw ng pamilyang Pilipino.
Higit pa sa mga ito, ang pinaka-ikinababagabag namin ay ang pagtaas ng presyo ng kuryente dahil sa layunin ng batas na ito na pataasin ang presyo ng uling, bunker fuel. at diesel fuel. Sa kasalukuyan, ang pinapataw na buwis para sa uling ay nagkakahalagang Php 10 kada metric ton lamang. Laking gulat namin na ang iminumungkahing ipataw na buwis ngayon ay nagkakahalagang PhP 100.00 hanggang PhP 300.00 kada metric ton o umaabot sa humigit kumulang tatlong libong ulit na patong (3,000%) sa loob lamang ng tatlong taon. Maliban doon, bagamat walang buwis na ipinapataw sa bunker fuel at diesel fuel sa kasalukuyan, ngayon ay nais nang patawan ng buwis na PhP 1.75-PhP 6.00 kada litro. Ito ay mga mungkahing inaasahang lubos na magpapataas ng presyo ng mga bilihin at kuryente dagdag sa iba’t ibang buwis at pataw na sa ngayon ay nagpapabilang na sa ating bansa bilang isa sa mga may pinakamataas na presyo ng kuryente sa buong Asya. Ayon kay Senator Sherwin Gatchalian at Laban Consumer, Inc., maaaring umabot pa ng PhP 28.70 kada buwan ang maidadagdag sa presyo ng kuryente ng mga tahanang kumukonsumo ng 200 kWh kung ang mga probisyong ito ay matutuloy. Tila binabawasan pa ng isang kilong bigas ang isang pamilya dahil ang Php 28 ay katumbas na ng isang kilong NFA rice.
Ang buwis na ipapataw sa mga produktong ito ay lubos na magpapataas sa presyo ng mga karaniwang bilihin. Kung pagsasama-samahin pa ang lahat ng ito, mas lalong mahihirapan ang mamamayang Pilipino na harapin ang kanilang mga gastusin na masasabing taliwas sa intensyon ng ipinapasang batas. Ang mga produktong ito ay hindi mga luho, kung hindi mga pangangailangan sa pang-araw-araw na pamumuhay ng ordinaryong Pilipino.
Binabawasan man ang pasan na buwis sa sahod ng ordinaryong manggagawang Pilipino, hindi isinasaalang-alang ng iminumungkahing batas ang kaukulang pagtaas ng presyo ng kanilang mga pangunahing pangangailangan. Dahil dito, kailangan naming magsalita at gawin lahat upang masiguradong patas at para sa ikabubuti ng nakararami ang magiging bagong sistema sa pagpataw ng buwis. Kami ngayon ay nagpapahayag ng aming pagtutol sa repormang ito at dumudulog kami sa inyong tanggapan upang humingi ng suporta sa pagtutol sa TRAIN.
Maaasahan po ninyong patuloy kaming magmamatyag at magsusuri sa mga kaganapang ukol dito. Aktibo kaming magmamasid upang masigurado na patas at pangkalahatan ang maidudulot na benepisyo ng bagong reporma. Tayo ay magtulungan at magkapit-bisig upang maipatupad ang tunay na intensyon ng repormang ito – ang makapagbigay benepisyo sa mga pinakanangangailangan nito.
Lubos na gumagalang,
Louie Montemar
Convenor, BK3