P17 Bilyon Sisingilin sa Konsyumer

“P17 Billion sisingilin sa konsyumer”

Panibagong pabigat na naman ang hinaharap ng milyong-milyong mahihirap na konsyumer dahil sa desisiyon ng Court of Appeals (CA) na baligtarin ang utos ng Energy Regulatory Commission (ERC) na pigilan ang sobrang pagtaas ng presyo ng kuryente dahil sa kahina-hinalang sabayang pagtigil-operasyon ng ilang power plants noong 2013.

Ganitong panahon rin noong Nobyembre hanggang Disyembre 2013 na sinabayan ng ilang mga power plants ang pansamantalang pagtigil operasyon ng Malampaya plant para sa regular na pag-alaga ng buong planta. Dahil dito, tumaas ng sobra ang singil sa kuryente mula sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) kaya naglabas ng utos ng ERC na bawasan ito.

Makakakuha sana ng kabuuang P24 Bilyon ang ilang power plants ngunit dahil sa pagkilos ng ERC ay nakasingil lamang batay sa mga averages mula Enero hanggang Setyembre 2013 at bumaba ang singil sa konsyumer ng kuryente sa Luzon sa kabuuang P7 Bilyon.

Nakabatay ang utos ng ERC sa pag-aaral nito na napakataas ng mga naitakdang presyo ng kuryente noong naturang panahon. Sa kabila nito, nagpasiya ang Ikalabinlimang Dibisyon ng CA, sa ilalim ng tanggapan ni Associate Justice Soccoro B. Inting, na hindi idinaan sa proseso ang nasabing utos. Para sa CA, nagkamali ang ERC sa mga quasi-judicial function nito.

Dahil sa naturang desisyon, maaaring mangolekta mula sa mga end-user ng higit sa P17 Bilyon. Mangangahulugan ito ng dagdag na singil na maaaring umabot sa P700 sa bawat pamilya, sa ibabaw pa ng karaniwang presyo ng kuryente na karaniwan nasisingil sa bawat buwan. Para sa mga komersyal na institusyon at mga manufacturing companies, maaari P10,000 hanggang P350,000 ang karagdagang singil na depende sa lakas ng konsumo ng kuryente.

Ipinapakita ng isang pag-aaral sa industriya na nag-ulat ng kita na higit sa P50 Bilyon noong 2013 ang mga kumpanyang nais maningil ng nagging “kakulangan” noong 2013 dahil sa utos ng ERC.

Hindi naman po sila nalugi, bagkus napakalaki ng kinita pa rin nila. Ano pang hinahabol nila? Sana’y nag-magandang puso na lang sila at ibalato na lamang ito sa sambayanang naghihikahos na, lalo na iyong mga pamilyang pinakanatatamaan sa ngayon ng mga kaliwa’t kanan na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Kailangan na naman ng mabilis na pagkilos ng ERC. Sana’y maaksiyunan ng ERC ang mga dapat gawin nito lalo pa’t may bago itong pamunuan. Kailangan po natin ng isang ERC na tunay na gumaganap sa papel nito para sa nakararami at sa buong bayan.

Louie Montemar
Convenor, BK3