Pabigat sa Konsyumer ng Kuryente

Ang bansa natin ang isa sa mga may pinakamahal na kuryente sa buong mundo. Panlima tayo sa may pinakamahal na kuryente sa buong daigdig, at pinakamahal ang ating presyo sa buong Timog Silangang Asya.

Sa ordinaryong konsyumer, isa itong mabigat na pasaning pang-araw-araw — ang singil sa kuryente sa mga bahay, at sa halagang dagdag nito sa mga produktong kinokunsumo nating lahat.

Ito rin ang dahilan kung bakit may mga negosyante at kompanyang pinipili na lamang ang mga karatig bansa natin upang paglagakan ng kanilang puhunan. Trabaho na sana para sa mga manggagawa natin, nawala pa.

Dahil dito, bagong parusa sa mamamayan ang anumang dagdag-buwis na ipapanukala sa paggamit ng coal para sa paglikha ng enerhiyang kuryente. May ganitong mungkahi sa pagbuwis ang ilan, gaya ni dating Energy Secretary na si Vince Perez. Kapansin-pansin na may conflict of interest sa panukalang ito kung mula sa kanya dahil nagnenegosyo na siya ngayon sa enerhiya katunggali ng mga kompanyang gumagamit ng coal.

Dagdag pa, sinasabi ng mga tulad niya na madumi sa kalikasan ang paggamit sa coal bilang pagmumulan ng kuryente. Maganda man ang renewable energy, dapat malaman ng lahat na, sa ngayon, napakaliit ng ating pambansang kontribusyon sa bagay na ito. Kahit makailang ulit pang ibawas ang ating kabuuang kontribusyong pambansa sa karbon sa kapaligiran, halos walang epekto ito sa laki ng pandaigdigang sukat ng carbon emissions.

Sa kagyat, murang kuryente ang ating kailangan para sa mas pambansang pag-unlad. Hindi rin tunay na makatutulong ang pagpataw ng mga bagong buwis. Kailangan natin ang matinong sistema sa pagkolekta at paggastos ng buwis.

Louie Montemar
(Convenor, BK3)