PADAYON PCC! BANTAYAN ANG INTERES NG KONSYUMER!
Ilang ulit na tayong nanawagan upang maimbeestigahan ang mga biglaang pagsasara ng ilang mga planta ng elektrisidad sa bansa. Inaalala natin ang napipintong pagkukulang ng supply ng kuryente bunsod ng nasabing biglaang pagbaba ng kapasidad ng mga planta, dahil sinasabing tinutulak nito pataas ang presyo ng kuryente sa pamilihan.
Kailangan nating lubos na suportahan ang hakbang ng Philippine Competition Commission (PCC) na magsiyasat hinggil sa mga paratang na maaaring may sabwatan ang mga operator ng mga power plant kaugnay ng ilang sunud-sunod na biglaang pagtigil-operasyon ng ilan sa mga nasabing planta. Ang mga pagsasarang ito ay tumutulak pataas sa presyo ng kuryente sa retail market.
Dapat nating katigan ang pagbibigay-babala ng PCC sa posibleng pakikisangkot ng mga kompanya ng kuryente sa mga anti-competitive o “collusive” na gawaing may parusa sa ilalim ng batas ng kumpetisyon — multa hanggang P250 milyon, kasama pa ang pagkabilanggo ng mga responsableng opisyal sa ilalim ng Republic Act 10667 o ang Philippine Competition Act.
Nililikom na ng PCC ang mga teknikal na ulat kasama na ang mga audit ng Department of Energy (DOE) pati na rin ang anumang impormasyon mula sa publiko o eksperto sa sector. Sinabi ng PCC na nakikipag-usap na ito sa DoE at ang Energy Regulatory Commission para sa isang memorandum of agreement upang gumanda ang kompetisyon sa merkado at mga pagsisiyasat sa sektor ng kuryente.
Padayon PCC! Bantayan ang Interes ng bayan at ng konsyumer! Maging mas mapanuri tayo para sa pagtataguyod ng interes ng lahat.
Louie C. Montemar