Pagpapataas sa Feed in Tariff, wala sa lugar at walang puso!

Kaugnay ito sa kanilang pagpapalabas ng Resolusyon Blg. 6, Serye ng 2020, na may petsang Mayo 26, 2020 — “Isang Resolusyon ng Pag-apruba sa Pagsasaayos sa Feed-In-Tariff (FIT)” kasama na ang iba pang mga bagay. Inaaprubahan at pinagtibay nito ang pagpapataas sa Feed in Tariff (FIT) para sa mga taong 2016 hanggang 2020 nang walang pagsunod sa tamang pamamaraan ng Paggawa ng mga alituntunin ng ERC kaugnay sa FIT. May kakulangan sa angkop na proseso kaya mapaminsala ito sa interes ng mga konsyumer ng kuryente. Ang pagpapalabas ng Resolusyon ay isang desisyon ng ERC na wala sa lugar.
 
Isipin ninyo, limang taong retroactive ang desisyon! Ibig sabihin, limang taon nang biglang pagtaas ng presyo ng kuryente ang papasanin ng publiko?
 
Bakit tila ngayon lang natin malalaman ito? Kasi nga wala sa lugar ang naging proseso ng ERC sa nasabing pagdedesisyon. Nabulaga na lamang tayo ng isang kabulastugan!
 
Ipinapanawagan natin ngayon ang pagbawi sa nasabing resolusyon. Huwag na nating dagdagan pa ang mga pasanin ng ating mga mamamayan sa harap ng mahinang ekonomiya na dala ng pandemiya.
 
Louie Montemar
Convenor, BK3