Pagsuporta ng BK3 sa Kautusan ng ERC

Nitong Mayo 22 lamang, iniutos ng Energy Regulatory Commission (ERC) sa mga power distributors na maglabas ng mga mga bagong billing o resibo ng paniningil sapagkat nakatanggap sila, ang ERC, ng maraming reklamo mula sa mga konsyumer sa ilalim ng quarantine. Nagkaroon na ng tatlong billing cycles sa ilalim ng quarantine period o lockdown at tila marami ang nakatanggap ng nagsitaasang singil.

Sinuspindi na rin ng ERC ang paniningil sa tinatawag na “universal charge” na matagal nang bahagi ng binabayaran natin sa presyo ng kuryente. Ang suspensiyong ito ay simula sa panahong pinataw ang quarantine “until further notice.” Ang sinisingil na ito—ang Universal Charge-Environmental Charge (UC-EC)—ay P0.0025 din bawat kilowatt-hour (kWh).

Dagdag pa rito, bahagi rin ng kautusan ang paglilinaw kung paano makapagbabayad ng installment o hulugan ang mga konsyumer, simula Hunyo 15 at nang walang nakapatong na interes o karadagang bayad.

Napakagandang balita ito para sa ating lahat—tayong mga konsyumer. Sa kasong ito, mainam na makitang tumutugon sa mga pagrereklamo ng mamamayan ang ahensiyang nakatalaga upang bantayan ang kanilang interes at kapakanan.

Kagyat namang nagpahayag ang Meralco na tatalima sila sa kautusan ng ERC at nilinaw na hintayin natin ang panibagong billing na base na sa tapat na konsumo ng kuryente. Ganoon din ba ang iba pang power distributors? Tandaang hindi lamang ang Meralco ang dapat tumugon sa naturang kautusan ng ERC.

Kailangan pa nating maging mas mapagmatyag, mga kabayan. Tamasahin natin ang maliliit na tagumpay subalit tuloy ang pagtulak sa interes ng konsyumer. Sama-sama tayo sa paglaban sa Covid, at sama-sama rin tayo sa pagtataguyod ng ating kapakanan bilang mga konsyumer!