PAGTAAS NG KONTRIBUSYON SA PHILHEALTH NG MGA OFW: DAGDAG PASANIN

Noong nakaraang Abril ay nagbaba ng kautusan ang PhilHealth na itaas ang singil ng kontribusyon ng mga OFW sa tripleng halaga. Ang nasabing kautusan ay walang konsultasyon sa mga taong maapektuhan nito. Bukod pa dito ay magiging bahagi ito ng kakailanganin upang mabigyan ng OEC (Overseas Employment Certificate) na bahagi ng mga dokumento upang makapagtrabaho sa ibang bansa.

Bagama’t kinikilala natin ang karagdagang pondo para sa PhilHealth ay kailangan din na balansehin ang interes ng mga OFW. Bago pa man sila umalis ng bansa ay tambak na ng utang at bayarin ang mga kawawang OFW pagkatapos ay mababawasan pa ito na di naman lubusang mapapakinabangan. Kailangan nating bigyang halaga ang kakarampot na salaping kanilang kinita na inilalaan para sa kanilang pamilya. Hindi ang pagtataas ng singil sa kontribusyon ang solusyon sa gastusin ng PhilHealth kundi ang pagbibigay prayoridad ng pamahalaan sa budget ng kalusugan.

Ang ating pamahalaan ang dapat manguna sa pagkilala sa kanilang kabayanihan. Di pa ba sapat ang bilyon-bilyong dolyar na kanilang ipinapasok sa ating ekonomiya?

KAGINHAWAAN AT WAG PAHIRAPAN tugon sa kadakilaan ng ating mga bagong bayani.