Pagtanggal Singil sa Systems Loss, Hindi Tiyak na Solusyon
Ang panukalang batas HB 942, 2297 at 6341 tungkol sa pagpapababa o kaya’y tuluyang pagtanggal ng “Systems Loss” sa singil ng kuryente ay kumplikado at nangangailangan ng malalim na pag-unawang teknikal.
Ayon sa mga presentasyon ng ilang “Distribution Utilities” (DUs) sa nakaraang pagdinig sa Senado, nakitang karamihan ay magkakaroon ng pagtaas ng singil sa kuryente dahil mapipilitang gumastos ng malaking capital ang mga DU upang mapalitan ng bago at modernong gamit at kable ang sakop nilang prangkisa upang makasunod sa mababang Systems Loss Cap.
Ang negatibong epekto sa mga konsyumer ay kinumpirma rin ng Energy Regulatory Commission (ERC) na sa kasalukuyan ay may tinatapos na pag-aaral upang matukoy ang pinaka-praktikal na mekanismong mababalanse ang hangaring pagbaba ng singil sa Systems Loss.
Tanggap namin na ang Systems loss ay hindi maiiwasan at imposibleng mawala dahil ito ay isang likas na katotohanan. Ito ay tanggap sa lahat ng bansa at walang teknolohiyang kayang magkaroon ng “zero” Systems Loss.
Bagaman sang-ayon ang BK3 sa layunin ng mga tinutulak na batas, ang ERC na siyang opisina ng gobyernong may awtoridad maglagay ng Systems Loss Cap ang dapat nangunguna rito. Ang ERC ang siyang dapat tumutok sa pag-aral at pagbago ng mga naaakmang polisiya upang mabantayan ang tamang singil sa kuryente.
Lumalabas sa pagaaral na ito na ang mataas na buwis at kulang na “base load power plants” ay ilan sa mga problemang nagpapataas ng presyo ng kuryente.
Bago ipasa ang panukalang batas na ito, kelangan muna ng mas malalim na pag-aaral at sapat na basehan kung sulit bang ibaba o tanggalin ang Systems Loss Cap. Kung hindi ay marami pang solusyon na maariing mas simple at mabilis na mapapatupad.