Pagtutulungan Upang Matugunan ang mga Pangangailangan sa Gitna ng Pandemya
Mula nang ipatupad ang ECQ noong Marso 17, 2020, samutsaring mga isyu, pasakit,at problema ang patuloy na hinaharap ng mga Pilipino. Ang sakit na dala-dala ng Wuhan virus o COVID-19 ay patuloy na nagpapahupa sa ating ekonomiya lalo na sa mga mahihirap sa kalunsuran at kanayunan.
Ang mga datos na luwal ng Ulat ng Bayan Survey (Pulse Asia) na inilunsad noong Setyembre 14-22, 2020 ay isang mahalagang pangmulat sa mga pangangailangan ng mga mamamamayang Pilipino sa gitna ng pandemya.
Sa partikular, ang mga pangunahin o kagyat na personal na alalahanin o ikinakabahala ng mga Pilipino ay ang pagiging malusog at makaiwas sa sakit (74%), pagkakaroon ng sapat na makakain sa araw-araw (47%), pagkakaroon ng siguradong trabaho/magandang kita o pagkakakitaan (47%), ang makatapos sa pag-aaral/pag-papaaral sa mga anak (45%), at ang pagkakaroon ng ipon (29%).
Sa pangkalahatan naman, ang mga pangunahin o kagyat na pambasang alalahanin o ikinakabahala ng mga Pilipino ay ang pagkontrol sa paglaganap ng COVID-19 (38%), pagtataas sa sahod ng mga manggagawa (36%), pagkontrol sa implasyon (33%), pagbibigay ayuda sa mga nawalan ng pagkakakitaan at hanapbuhay (30%), at ang paglikha ng mga trabaho (28%).
Batay sa sarbey, naniniwala ang BK3 na kailangang paigtingin pa ng gobyerno ang pagtugon sa mga pinsalang dulot ng COVID-19. Dapat ring tiyakin ng ating gobyerno na tumutugma ang mga patakaran nito sa mga pangangailangan ng mamamayan.
Subalit hindi dapat solohin ng gobyerno ang problema. Kailangan nito ang isang maaasahang katuwang upang tugunan ang mga kahilingan ng mamamayan upang muling maibangon ang ating ekonomiya.
Sa ganitong usapin, ipinakita rin ng nasabing sarbey na 85% ng mga Pilipino ang nagsasabing “Upang makabawi mula sa krisis dulot ng COVID-19, ang pamahalaan ay dapat na makisama o makipagtulungan sa mga kwalipikado at marangal na pribadong negosyo para makapagtayo at makapangasiwa ng pangunahing pampublikong serbisyo tulad ng sistemang pangkalusugan, kuryente, tubig, mga kalsada at transportasyon.”
Dagdag dito, nang tinanong ang mga Pilipino kung “saang isyu makatutulong ang mga pribadong namumuhunan o private investors,” 90% sa kanila ang nagsabing sila ay makatutulong sa paglikha ng trabaho, ang 68% ay para sa pagpapalawak at pagpaparami ng oportunidad pangkabuhayan, 62% ay para mabawasan ang kahiarapan, at 43% naman ay para sa pangkalusugang pangangailangan.
Hindi rin dapat makalimutan ang ilang bilyung pisong nalikom ng pribadong sektor para sa mga maralitang pamilya sa Metro Manila sa pamamagitan ng Project Ugnayan.
Kung gayon, itinataguyod ng BK3 ang malinaw at napakapositibong papel na ginagampanan ng pribadong sektor sa ating lipunan upang mapaunlad ang pampublikong serbisyo at kapakanan. Maging sa pagtatayo ng ating digital na imprastruktura, di maitatanggi ang importanteng ambag ng pribadong sektor. Sa ilalim ng bagong normal, malaking ginhawa ang naidudulot ng teknolohiyang digital sa ating mga pang-araw-araw na buhay.
Sang-ayon kami sa maliwanag na resulta ng sarbey ng Pulse Asia. Napakahalaga ang ginagampanan ng pribadong sector. Sila ang mamumuhunan para yumabong ang mga negosyong magbibigay ng mahusay na hanap buhay sa mga Pilipino. Ang publiko-at-pribadong pagtutulungan ang kailangan sa pagbangon natin sa ekonmiya.
At sa ating mga mamamayan, nawa’y patuloy nating pag-ibayuhin ang diwa ng boluntarismo at pakikpagdamayan upang maibsan ang mga kahirapang dulot ng pandemya.