PAHAYAG NG BK3: MULTA DAHIL SA KALITUHAN NG ELECTRIC BILL SHOCK

Kamakailan ay pinatawan ng ERC ng multa ang Meralco hinggil sa paglabag nito sa panuntunan ng paglalabas ng bill ng kuryente na nakapaloob sa ECQ. Ayon sa kautusan ng ERC, malinaw na nakasaad na ang mga Distribution Utilities gaya ng Meralco ay kailangan maglabas ng bill na malinaw na nakasaad ang salitang “Estimate” na ibabatay sa nakaraang 3 buwan bago itakda ang ECQ. Ang bill na nakapaloob sa panahon ng ECQ ay babayaran sa loob ng 4 na buwang hulugan. Ang Meralco ay tumalima sa nasabing kautusan na mismong ang ERC ang nagtakda.

Ganunpaman, matapos na maihatid ang Meralco Bill sa kanilang mga customers ay dinumog ang Meralco ng reklamo kaugnay ng nakagugulat at napakataas na halaga ng Meralco Bill taliwas sa inaasahan ng mga customers nito. Maliban dito ay napakaraming Meralco customers ang nagreklamo din sa ERC. Pero ang pagkukuwenta ng bill na ito ay batay na rin sa kautusang itinakda ng ERC. Bilang pagtugon ng Meralco sa kalituhan ng Bill Shock na, noong lumawag ng kaunti ang lockdown, pinalabas na ng Meralco ang mga meter readers sa karamihan ng mga nasasakupan nito upang maituwid at maging malinaw ang naaangkop na ginamit na serbisyo sa panahon ng ECQ lockdown.

Sa aking karanasan, nung natanggap ko ang aming Meralco Bill ay nakasaad na ang aktwal na bill dahil na rin sa pagkillos ng mga Meralco Meter Readers. Bagamat malaking halaga pa rin ang nakasaad sa aming bill, ito naman mismo ang aktwal na konsumo sa loob ng 3 buwang ECQ lockdown. Ito din ay may kalakip na kuwenta ng hulugang dapat bayaran sa loob ng 4 na buwan (4 Monthly Installment) na nagpagaan sa aming bayarin. Mas mainam pa sana na nagkaroon ng konsultasyon sa pagitan ng ERC, Distribution Utilities at mga Koopertiba sa Kuryente (Electric Cooperatives) kung papaano mas epektibong matutukoy ang konsumo sa kuryente at naiwasan ang kalituhang nangyari.

Ang kalituhan at kaguluhang idinulot ng Bill Shock na ito ang dahilan upang magpataw ng parusa ang ERC sa Meralco. Subalit tandaan natin na ito ay nag-ugat sa kautusan na rin ng ERC at ang pagtalima ang tungkulin ng Meralco. Kahit pa nailagay sa harapang bahagi ng ating bill ang salitang “Estimate” di pa rin magbabago ang pagkagulat at naing kalituhan ng mga konsyumer.

Sa unang tingin, magandang pakinggan na ang ERC ay nagpataw ng parusa sa Meralco. Ito’y pagpapakita na ang ERC ay nasa panig ng konsyumer. Pero alalahanin natin na ang pagsingli ng “estimated” na konsumo ay nanggaling sa ERC mismo na wala gaanong detalye at maraming Distribution Utilities sa bansa, hindi lang ang Meralco, ay nagkaroon ng kalituhan ang mga konsyumer. Sinunod lang ng lahat ng Distribution Utility ang ERC.

Ang mas magandang marinig na usapan ay kung paano maiiwasan ang problema. Maganda at may pahintulot na umikot ang mga meter readers ng Meralco kahit may mga lockdowns. Maganda rin ang pahayag ng Meralco na hanggang Oktubre ay walang puputulan ng kuryente at magiging malambot sila sa mga nahihirapang konyumer ng elektrisidad. Ang dapat pag-usapan ay ang planong magkaroon ng “Smart Metering” na makakatulong sa konsyumer.

Ang kailangan ay medyo magbigay ng konting pasensya sa isa’t isa. Lahat tayo ay nahihirapan. Tingnan ang mga solusyon at paano tayo magkakaisa para malagpasan ang krisis na ito.

Unahin lagi ang kapakanan ng konsyumer.