Pahayag ng BK3 sa ika-4 Taong Anibersaryo ng Tagumpay ng Pilipinas sa Arbitral Tribunal sa Ilalim ng UNCLOS

Nananatiling matibay ang paninindigan nating mga Filipino sa isyu ng West Philippine Sea. Ayon sa isang kalalabas lamang na sarbey ng Social Weather Stations (SWS) na inilahad sa isang online forum ng Stratbase ADR Institute nitong Julyo 14, 70% sa atin ang sang-ayon sa pahayag na, “Dapat igiit ng Pamahalaan ng Pilipinas ang mga karapatan nito sa mga pulo sa West Philippine Sea gaya ng binabanggit sa 2016 na desisyon ng permanenteng hukuman ng arbitrasyon.”

Dagdag pa rito, 82% ng mga Pilipino ay sumasang-ayon na ang Pilipinas ay dapat “bumuo ng alyansa sa pagitan ng mga demokratikong bansa na handang tumulong sa atin sa pagtatanggol sa ating karapatan sa teritoryo sa West Philippine Sea.’

Nakalulugod na malaman ito  sa ikaapat na anibersaryo ng desisyson ng Arbitral Tribunal sa The Hague (12 Hulyo 2016) sa ilalim ng Annex VII ng 1982 United Nations Convention on the Laws of the Seas (UNCLOS).

Alalahanin natin ang mga naging susing desisyon sa usaping ito ayon sa UNCLOS. Walang legal na batayan para sa Tsina upang angkinin ang kanilang tinuturing na “makasaysayang karapatan” sa mga yamang-dagat na napapaloob sa kanilang tinaguriang “nine-dash line.” Walang karapatan ang Tsinan a basta na lamang magtakda kung saan sila maaaring mangisda o mamalakaya sa WPS. May mga paglabag na ang Tsina sa obligasyon niya sa ilalim ng ng UNCLOS tungkol sa maritime safety. Nilalabag din ng Tsina ang mga obligasyon niya na iwasang mapalubha pa ang kalagayan sa WPS.

Sa harap ng lahat ng ito, huwag nating hayaang guluhin at paikutin na lamang tayo ng Beijing sa kanilang agresyon at pagbabanta. Palakasin natin ang ating pakikipag-alyansa sa mga bansang kagaya natin ay mas naniniwalang dapat umiral ang batas pang internasyunal. Pigilan natin ang tangkang pagharian ng Tsina ang buong karagatan ng hilagang Asya.

Marubdob tayong nananawagan sa ating pamahalaan na igiit at ilaban ang ating soberanya at karapatan sa West Philippine Sea.

Mabuhay ang Pilipinas!

 

Louie Montemar