Pahayag ng BK3 sa Mass Testing Laban sa Covid

Ayon sa pahayag ni foreign minister Kang Kyung-wha ng South Korea, sentral sa kanilang istratehiya sa pagharap sa pandemiko ang malawakang testing.  Nasuri nila ang umabot sa 200,000 na tao at  kaya nilang ipasuri ang 20,000 tao kada araw.

 

Sa Taiwan, mabilisan nilang pinalakas ang kakayanan ng kanilang mga laboratoryo upang makabawas sa asikasuhin ng mga ospital at mahiwalay kaagad ang mga tinamaan ng virus sa mga guslaing pansmantalang ginawang isolation facilities.

 

Maagang nagdesisyon ang mga pinunong pangkalusugan sa Singapore na ipasuri ang lahat ng kasong mala-influenza at pneumonia, upang matukoy ang mga COVID-19 infections na maaaring hindi kagyat na natutukoy sa mga testing na ginagawa nila.  Libre ang mga testing at ang pagpapagamot ng mga natutukoy na may sakit na Covid.  Sagot ng pamahalaan ang lahat ng gastusin mula testing hanggang pagpapagamot.

 

Naging agresibo naman ang HongKong sa pagtukoy sa mga maysakit at pag-quarantine sa mga nakasalimuhong tao.  Matindi ang pagsasagawa nila ng testing—pati mga pinagsususpetsahan pa lamang, kahit wala pa halos sintomas ng Covid ay pinasusuri na. Libu-libong tao ang natukoy na napalapit sa mga may kumpirmadong kaso at lahat sila ay na-quaratine.

 

Nitong Marso 27 lamang, naiulat na ang Alemanya ay ikalimang may pinakamaraming kaso ng Covid sa buong mundo; ngunit, kaunti lamang ang namatay kumpara sa iba pang bansa.  Para sa mga Aleman, ang mabilis na testing ang dahilan. Naging maagap ang kanilang Robert Koch Institute sa pagmumungkahi ng mass testing upang malaman ang bilang ng mga kaso sa lalong madaling panahon at napigilan nga ang pagkalat ng virus.

 

Sa Vietnam naman , sinimulan na ng mga awtoridad sa Hanoi ang pagsasagawa ng pagsusuri sa Covid sa mga pamayanan gamit ang mga Rapid test kit na malalaman ang resulta sa loob lamang ng sampung minuto.

 

Kumusta naman sa ating bansa?  Kailan lamang ay nilabas ng Pangulo ang una sa lingguhang ulat niya hinggil sa pagpapatupad sa Bayanihan to Heal As One Act.

 

Wala itong nabanggit tungkol sa mass testing, maliban sa pagsasabing ang BOC ay naglabas na ng 97,600 test kit.  Kung paano at kung saan ito gagamitin, wala tayong nakita sa ulat. Walang pang natukoy na mga lugar para sa isolation at iba pang mga pasilidad ng kuwarentina.  Halos walang pagtalakay hinggil sa pagpapalawak ng mga pasilidad para sa pagpapagamot ng mga pasyenteng may COVID-19.

 

Tinimbang natin ngunit kulang. Hindi sasapat ang ganito.

 

Kailangan natin ang mass testing at iba pang pangsuportang serbisyong medikal upang matukoy ang mga may impeksiyon, makagawa ng maayos na sistema sa pag-asikaso sa mga maydala ng sakit pati na mga napagsususpetsahan pa lamang.  Kailangan ng malinaw na datos at impormasyon para sa isang maayos na plano.

 

Paano tayo tunay na magkakaroon nito kung walang mass testing? kung may mass testing, malalaman natin kung sino talaga ang may virus at kung sino ang wala. Habang wala, hindi natin talaga alam kung ang tila malusog na nakadikit sa tindahan o palengke ay nakakahawa o hindi.

 

Libreng mass testing, ngayon na! Suportahan ang ating mga mangagawang pangkalusugan!