Pahayag ng BK3 sa Pagbabayad-Multa ng UBER
Para sa pangkaraniwang konsyumer gaya natin, nakakalula ang multang ipinataw ng LTFRB sa Uber. Hindi lamang ito P190Million sapagkat may iba pang kondisyon gaya ng suporta sa mga driver na dalawang linggong hindi nakalabas. Aabot lahat ito sa kalahating bilyon! Ito na yata ang pinakamalaking pagmulta sa isang negosyong pang-transportasyon.
Naumpisahan na rin lang ng LTFRB ang ganitong parusa sa mga lumalabag sa kanilang utos, dapatĀ naman tutukan ng kasing lupit ang mga taxi na oras-oras, araw-araw na lumalabag sa mga kondisyon at responsibilidad bilang prankisa ng taxi.
Hindi na mabilang ang mga nakakapikon na insidente ng pag-ayaw sa mga mananakay at kung anu-ano pang kalokohan at reklamo laban sa mga taxi. Dapat ipakita ng LTFRB na sila ay patas at tunay na pinangangalagaan ang karapatan ng ordinaryong mananakay. Ipakita na hindi sila hawak ng mga malakas na prankisa ng taxi. Baka sakaling matakot at tumino sila. Hindi lang siguro kalahating bilyon ang masisingil nila.
Ngayong nakakolekta na ang LTFRB at, sa wakas at tuwa ng mga mananakay, tuloy na ang operasyon ng Uber, bantayan natin kung saan gagamitin ang P190 milyon. Hindi daw ang LTFRB ang makikinabang at naibigay na ang pera sa kaban ng bayan.
Presidente Duterte, saan po mapupunta ang malaking pera na iyan?
Louie Montemar
(Convenor, BK3)