Pahayag ng BK3 sa Pagdami ng mga Banyagang Tsinong Nagtratrabaho sa Pilipinas

Kilala tayong mga Filipino sa ating mabuting pagtrato sa mga bisita. Ngunit mga simpleng bisita at turista lamang ba ang daan-daang libong dumadagsa ngayon mula sa bansang Tsina? Ayon sa Department of Tourism, ang bilang ng mga Tsinong dumating sa Pilipinas ay lumaki ng 54.43% noon pa mang 2017. May 371,429  na Tsinong bumisita noon.

Bisita nga lamang ba ang mga ito? Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), tumaas ng 33.4 porsiyento ang bilang ng ipinagkaloob na Alien Employment Permits (AEPs) sa mga dayuhan na nagbabalak na magtrabaho sa Pilipinas. Mga Chinese nationals ang karamihan sa mga may hawak ng AEP mula 2013 hanggang 2016—lumaki ng 45% (18,920) noong 2016 mula 23.7% noong 2013.

May pagtatantiyang umabot na sa higit 200,000 Tsino ang pumasok sa bansa mula 2016 para mamasukan at maghanapbuhay dito.

Sa laki ng kanilang bilang, natutulak pa pataas ang presyo ng pabahay sa Maynila at iba’t iba pang lugar kung saan nagkukumpol sila. Bumangga ito sa interes ng mga karaniwang Filipino na nahihirapang makakita ng maayos na tirahan sa sarili nilang bayan.

Higit sa lahat, sa daluyong na ito ng mga Tsino, napupunta sa kanila ang maraming trabaho na dapat sana ay para sa mga Filipino. Nakababahala ito lalo na’t patuloy ang paglobo ng bilang ng ating mga kababayan na kinakailangan pang makipagsapalaran sa ibang bansa upang masuportahan ang kanilang mga pamilyang naiiwan dito.

Dagdag ding pabigat at pasanin para sa ating bansa ang pagdami ng mga kasong kinabibilangan ng mga banyagang Tsino.  Halimbawa na lamang: ang naulat na pananakit sa isang waitress; ang kaso ng panunuhol ng PHP 50 milyon ng Tsinong si Jack Lam kay Immigration Commissioner na si Al Argosino; ang pagkahuli ng mga Tsino na nagpapatakbo ng pinagbabawal na online gambling; ang pagsuway sa mga batas trapiko; ang pagpatay ng tatlong banyaga sa isang kapwa nila Tsino; at, ang iligal na operasyon gamit ang isang dredging vessel sa Macolcol River.  Hindi kataka-taka kung gayong 1,248 banyaga sa kabuuang 1,508 na pinatapon ng Bureau of Immigration ay mga Tsino.  Ayon pa kay Senador Joel Villanueva, magdadalawang taon nang sinisiyasat ng kanyang komite sa Senado ang pag-aresto sa 1,240 mga Chinese national na ilegal na nagtatrabaho sa NEXT Games, isang operator ng pasugalan sa Fontana Technology Innovation Center sa Clark.  Gayunpaman, hindi pa rin napipigil ang mga maling gawain ng mga Chinese nationals.

May hanggangan ang pakikipagkaibigan at mabuting pakikitungo.  Huwag tayong magpaabuso!

Nanawagan ang BK3 sa ating mga pinuno at kinatawan, lalo na sa Kongreso, na pag-aralan ng masinop at malalim ang bagay na ito. Kailangang ayusin ang pagpapapasok ng mga banyagang Tsino.  Sa loob ng ating bansa, tiyakin natin ang interes ng ating mga mamamayan!