Palawigin ang Executive Order 12

Hindi sapat na natutugunan ang pangangailangan ng ating bansa sa pampublikong transportasyon lalo na para sa mga pangkaraniwan at mahihirap nating mamamayan.

Milyun-milyong motorista at mga pasahero ang matagal nang umaasa na magkaroon ng abot-kayang paraan ng sustainable mobility gaya ng makikita sa paggamit ng mga electric two-wheeled at three-wheeled vehicles, mga e-bike kung tawagin. Kailangan bigyan ng insentibo ang mga naturang uri ng sasakyan para sa kapakanan nating lahat.

Sa ngayon, namumuhunan sa mga naturang uri ng motorsiklo ang marami dahil ito ang pinaka abot-kayang paraan upang makapagbiyahe sa kalunsuran man o sa kanayunan, kahit pa sa mga liblib na lugar na may makitid at malubak na daan.

May magandang pagkakataon sa ngayon ang MalacaƱang upang gamitin ang pampulitikang kapital ng pambansang pamunuan na suportahan ang maliliit na namumuhunan sa pampubliko at sustenidong transportasyon. Ito ay sa pamamagitan ng pagpapalawig sa sakop ng Executive Order 12 (EO 12) na kamakailan lamang ay nilagdaan.  Sa ilalim ng mungkahing pinalawig na EO12,  pabababain ang buwis sa pag-import ng mga de-kuryenteng motorsiklo at mga piyesa nito. Katipirang makakatulong sa mga mamayang naghahanap ng abot-kayang sasakyan na magiging matipid dahil hindi na kelangan bumili ng napakamahal na petrolyo. Wala pang polusyon.

Muling nananawagan ng BK3 sa Palasyo na palawigin ang saklaw ng EO12 upang makinabang ang lahat sa lumalakas na pamumuhunan sa mga de-kuryenteng motorsiklong maituturing na ring pampublikong transportasyon.