PARATING NA ANG TRAIN 2!

Sabi ng mga namamahala sa ating ekonomiya, aabot lamang sa 2.9% ang inflation o ang paglobo ng mga presyo ng bilihin kahit pa nga aminado silang may pagsipa mula sa TRAIN 1 dahil sa buwis nitong pinataw sa mga produktong pertrolyo noong 2018.

Hindi inaasahan ang naging pagpalo ng inflation mahigit 6% nang ipatupad na nga ang TRAIN 1. Sa pagsasara ng 2018, umabot ang average inflation rate sa 5.2%, samantalang nasa 2.9% lamang ito noong 2017, at 1.6% noong 2016. Palpak ang tantiya ng pamahalaan na aabot lamang sa 4.0 ang inflation rate mula 2016 hanggang 2020! Ang 2018 inflation ang pinakamataas mula noong 2008; pinakamataas sa isang dekada.

Kung gayon, sa pagpasok ng 2019, magugulat pa ba tayo sa tumataas na presyo ng mga bilihin. Bakit? Dahil sabi na naman ng ating mga namamahala, hindi na daw tataas ang inflation… at, oo nga pala, may bagong bahagi ng batas-programang TRAIN ang ipatutupad—ang TRAIN 2!

Sa napakaraming usaping nagsulputan nitong huling buwan, tila nalunod na ang isyu sa TRAIN 2 kasama na ang bagong pagbubuwis sa petrolyo. Dagdag pa, dahil na rin ilang ulit nang bumaba ang presyo ng petrolyo sa pandaigdigang pamilihan, tila naisantabi ang usapin sa presyo nito at ng iba pang mga bilihin. Wala na tayo halos narinig na matinding pagtutol o pagkwestiyon sa TRAIN 2.

Paano na ngayon? Tila maghihintay na lamang talaga tayo sa bagong pagtaas ng mga presyo. Hindi madaling isiping magiging maganda ang dagdag-buwis sa petrolyo. Nakita na natin ito nitong 2018 at nararamdaman na natin ngayon. Mahirap ring basta maniwala sa mga nagsasalita para sa pamahalaan, dahil bukod sa naging mali na nga ang dating pagtarget ng mga ito sa inflation, nahaharap din tayo sa isang pagbagal ng takbo ng ekonomiya at kailangan na ngang isaayos ang target na paglago nito ayon sa mga kritiko.

Malaking bagay sa nakararami ang pagsasaayos sa ekonomiya. Dapat simulan ito sa pagtatama ng oriyentasyon o disenyo ng TRAIN upang mapatupad ang isang progresibong sistema ng pagbubuwis. Ang ibig sabihin, buwisan kung sino ang mas maykayang pumasan ng buwis, at alalayan naman sa programang-serbisyo ng pamahalaan ang mga nangangailangan.

Simulan ito sa pagsuspindi sa bagong dagdag-buwis sa mga produktong petrolyo na tiyak lamang na magtataas pa sa mataas na ngang presyo ng mga bilihin. Tigilian na nila ang TRAIN2. Kung ayusin lang nila ang pangongolekta ng tamang buwis at ang bilyun-bilyong ninanakaw sa korapsyon, smuggling, at kalokohan sa Bureau of Customs, hindi na kailangan ang kahit anong TRAIN!