ANG PRESYO NG BIGAS AT ANG NFA
ANG PRESYO NG BIGAS AT ANG NFA
Nakababagabag ang pagtaas ng presyo ng bigas nitong ilang huling buwan. Sa kagyat, tila mauugat ang pag-aalala ng mga negosyante at ang kanilang kaugnay na pagtataas ng presyo ng bigas sa mga nakababahalang pahayag ng National Food Authority (NFA) na may kakulangan daw tayo sa bigas. Ngunit para kay Cabinet Secretary Jun Evasco, hindi tunay ang “kakulangan” dahil may palay sa kamay ng ating mga lokal na magsasaka.
Tila sang-ayon naman ang mga lokal na samahan ng mga magsasaka’t magbubukid kay Sec. Evasco. Wika nga ni Zenaida Soriano, pambansang tagapangulo ng National Federation of Peasant Women (Amihan), “Ang agarang solusyon sa kakulangan sa kanin ng NFA ay ang pagbili mula sa aming mga lokal na magsasaka,”. Ayon Soriano, “Dapat gamitin ng National Food Authority (NFA) ang kanyang Php pitong (7) bilyon na badyet para sa lokal na pagbili ng bigas sa halip na pag-angkat.”
May pera naman talaga ang NFA. Kung ano, magkano, saan, at kailan bibili ng bigas ang usapin.
Kaugnay nito, dapat bigyang pansin din na ayon Bantay Bigas, isang network ng mga magbubukid at konsyumer, “kung ang NFA ay magtataas ng presyo ng suporta nito sa Php 20 bawat kilo ng palay, maaari nitong makuha ang mga 350,000 metro tonelada (MT) [ng palay] na katumbas ng 227,500 MT o 4.5M bags ng bigas, na sapat sa pitong (7) araw na buffer stock.” Ngayon lamang, nabalitang bibili na nga ang NFA ng bigas sa halos Piso 35 pa kada kilo mula sa mga negosyante!
Pagdidiin nga ng tagapagsalita ng Bantay Bigas na si Cathy Estavillo, “Ang kakulangan sa bigas-NFA ay nakapagpapataas sa posibilidad ng pagtaas ng presyo ng bigas. Samakatuwid, dapat ipatupad ng pamahalaang Duterte ang isang pansamantalang kontrol ng presyo upang matiyak na ang mga komersyal na presyo ng bigas ay hindi magtataas at tiyakin na ang mga pribadong negosyante ay hindi makikinabang sa sitwasyon.”
Ang di-maipagkakaila , may hindi pagkakasundo sa panananaw sina Sec. Evasco at iba pang mga opisyal sa loob ng NFA. Hindi magkasundo sa kung ano, magkano, saan, at kailan bibili ng palay o bigas. Halimbawa, mayroon sa kanilang nagdidiin sa walang habas na pag-angkat. May naniniwala namang makasasapat at mas makabubuti na bumili na lamang sa mga lokal na producers.
Ayon sa pinakahuling mga balita—habang sinusulat mismo ang artikulong ito—ililipat na ng Malakanyang ang NFA sa loob Department of Agriculture habang patuloy pa rin naman ang pagkakaroon ng “quantitative restrictions” (mga limitasyon) sa pag-angkat ng bigas.
Sa harap ng lahat ng ito, tila mas may pagkiling tayo sa pananaw ni Sec. Evasco—isang pananaw na tila aayon naman sa sinabi ni Estavillo na “ang seguridad ng pagkain ng bansa ay hindi dapat nakasalalay sa ibang mga bansa; sa halip, ang lokal na industriya ng bigas ay dapat palakasin sa pamamagitan ng pagpapaunlad at pangangalaga ng mga tradisyunal na uri ng bigas na mas mahusay na angkop sa mga pangangailangan ng mga magsasaka at mga kondisyon ng sakahan at pagbibigay ng angkop na mga serbisyo ng suporta at subsidyo sa mga lokal na magsasaka ng bigas.”
Ang pag-aaral sa mga usapin sa NFA ay magandang panimula upang repasuhin ang kabuuang programang pang-agrikultura ng ating bansa. Sa huling paglilimi, hindi naman talaga ang NFA ang tunay na magpapababa sa presyo ng bigas at iba pang produktong pang-agrikultura, kundi ang isang matibay at makabagong programang pang-agraryo para sa buong bayan, lalo na ang ating mga kapus-palad.
Louie Montemar
BK3 Convenor