Presyo ng mga pangunahing bilihin ibaba! Malasakit, hindi pasakit!

Hindi na po magkanda-ugaga kaming mga karaniwang konsyumer. Hindi na po namin alam ang aming gagawin at kung saan kami susuling para buhayin ang pamilya namin.

Bagsak po ang aming kabuhayan, habang ang mga presyo ng mga pangunahing bilihin nama’y nagsisitaasan.

Halimbawa na lamang, napakamahal na ng presyo por kilo ng ng isda at laman ng baboy at manok.  Ang mga gulay man, presyong ginto!  Ano pang kakainin namin? Papel o lumang diyaryo kung saan nakasulat ang mga batas o mga pangako ng mga politiko?

Lalo na po kaming mga minimum wage earners na nakararami sa lipunan, ano pa ang aming dapat aasahan?  Kahit sa pag-asa ay uhaw at gutom  kaming mga simpleng konsyumer.

Tatawagin pa kaming choosy sa bakuna ng ibang nasa taas??? Wala nga kaming choice talaga.

Ano pa ba ang aming maaasahan?  Ibinida noong nakaraang halalan ang “Tapang at malasakit.”  Tama na po ang tapang-tapangan. Ang mas mahalagang isyu po sa amin ngayon, Nasaan ang malasakit?

Wala kaming naririnig na plano hinggil sa pagsasaayos ng ekonomiya lalo na para sa interes naming mga pobreng konsyumer.

Sobra na, Tama na! Nasaan ang malasakit?

Gawin ang tama! Nasaan? Ano po ang plano para sa pag-aayos ng ekonomiya?

Panawagan namin: Presyo ng mga pangunahing bilihin ibaba! Malasakit, hindi pasakit!