Programa sa bakuna, isaayos!

Sa gitna ng pandemya, susi ang pagsasaayos ng programa sa bakuna upang tayo ay makatiyak sa kaligtasan at bisa nito. Dito nakasalalay ang muling pagbangon ng ekonomya at ang panunumbalik ng isang masiglang pamumuhay.

 

Subalit bago ang lahat, kailangang tiyakin ng ating gobyerno ang pagbili ng isang epektibo at mapagkakatiwalaang bakuna. Mangyayari lamang ito kung ang gobyerno ay makikipagtulungan sa mga kompanyang subok na maayos at maganda ang reputasyon. Higit dito, napakahalaga din para sa gobyerno na sumalalay sa syensya at ebidensya sa paglikha ng programa, patakaran, at mga desisyon.

 

Sunod dito ay ang pagtiyak na hindi mababahiran ng korapsyon ang pagbili at pamamahagi ng bakuna. Pera ng taong bayan ang impambibili ng gobyerno, at kahit na padaanin sa utang ay buwis pa rin  na manggagaling sa atin and ipambabayad. Kung gayon, ang mga vaccine na may siyentipikong katunayan ng bisa at kaligatasan na gawa ng matinong kompanya ang dapat kontratahin ng gobyerno.

 

Sa isyu pa rin kung anong klase o tatak ng bakuna, hindi sapat na basta na lamang ipagkatiwala sa gobyerno ang pagpili nito. Kung kaya’t nananawagan ang BK3 sa iba’t-ibang sektor ng ating lipunan na makialam at bantayan ang proseso ng pabili at pamamahagi ng bakuna.

 

Samantala, ikinagulat naman ng BK3 ang umano’y iligal na bakunang ibinigay sa mga miyembro ng PSG. Mahalagang malaman ng taong bayan kung ano ang tunay ng nangyari at kung paano naipuslit ang iligal na bakuna. Tila may palakasang mangyayari sa pila ng bakuna. Nakakalungkot at nakakadismaya sa harap ng dami ng ating pinapasang pahirap.

 

Kaugnay nito, naninindigan ang BK3 na ang bakuna ay dapat para sa lahat at hindi lang sa iilan. Dahil buhay ang ng bawat tao ang nakasalalay dito, karapatan natin ang makapagpili kung anong bakuna ang ituturok sa ating katawan.  Ang mahalaga, ay magpabakuan tayong lahat.

 

Sinusuportahan ng BK3 ang pribadong sektor at mga LGU na magsagawa ng sarili nilang paraan para makabili at makapamahagi ng bakuna. Malaking tipid ito sa gastos ng gobyerno. Sana’y payagang mangyari ito basta sigurihin ang tamang paraaan ng pagtuturok.

 

Tandaan din natin, kaligtasan, pagiging epektibo, at halaga ng bakuna ang pangunahing dapat pagtuunan ng pansin. Pumapangalawa ang pagkakaroon ng isang sistematikong distribusyon upang hindi mapabayaan ang mga higit na nangangailangan. Magagawa lamang ang lahat ng ito sa ilalim ng isang maayos at matinong programa sa pagbabakuna laban sa COVID-19.