Salot na probisyon ng BIR RR 5-2021: Isang dagok sa sektor pang-edukasyon! Ibasura!

Ang mga pampribadong paaralan ay kaakibat ng pamahalaan sa pamamahagi ng kaalaman at karunungan sa mga kabataang Pilipino na siyang kinabukasan ng ating bayan. Subalit, sa ilalim ng pandemya napakarami na sa mga paaralang ito ang nalugi at napilitang magsara. 

Ayon sa Departamento ng Edukasyon, mayroong mahigit 4,000 na guro at nasa 500,000 na mag-aaral mula sa mga pampribadong paaralan ang napilitang lumipat sa mga pampubliko. Paano na rin kaya ang mga maintenance staff, security guards, mga tsuper ng school bus, at mga server sa kainan na nawalan ng hanap-buhay? 

Imbes na makatulong, kamakailan lamang ay naglabas ng panukala ang BIR na tinatawag na Revenue Regulation No. 5-2021 na siyang magtataas ng buwis na pinapataw sa mga pampribadong paaralan; mula 10% na ginawang 1% sa ilalim ng CREATE Act na ngayo’y gagawing 25%! Kahit anong industriyang papatawan ng 150% taas buwis ay mabilis na babagsak.

Bakit sa halip na suportahan ang ating mga paaralan, nais pa natin na lalo silang lunurin?  Panawagan ng BK3, Ibasura ang salot na probisyon ng BIR RR 5-2021!  Sagipin dapat natin ang mga pampribadong paaralan, huwag lalong pahirapan!