SIGA TALAGA ANG LTFRB!
SIGA talaga! Lagpas alas-singko ng hapon kahapon, naglabas ng bagong utos ang LTFRB na papayagan na ang operasyon ng UBER pagkatapos nilang mabayaran ang grabeng laking multang P190 milyong piso at P20 milyong ayuda kada araw para sa mga UBER drayber hanggang mag-umpisa uli ang kanilang operasyon.
Nakakalungkot at malaking kahihiyan sa imahe, hindi lang ng LTFRB, kundi sa gobyerno ng Pilipinas ang mapang-aping parusang idinagok sa isang serbisyong lumago at naging matagumpay dahil epektibong naibigay nito ang hinahanap at hinihingi ng milyun-milyong mananakay.
Malinaw ang mensaheng ipinahahatid nito. Kapag binangga ang LTFRB malupit ang balik at paghihiganti. Hindi na bale ang malakas na sigaw ng taong bayan, basta mapakitang sila ang ‘siga’ dito.
Gumaganti at nananadya ang LTFRB. Alam nila na kapag lagpas alas-singko nila ilabas ang “Order” na ito, sarado na ang mga bangko at siguradong hindi rin makakatupad ang UBER sa mga kondisyon ng utos dahil walang pasok hanggang Lunes. Napakasamang ugali at walang propesyonalismo. Hindi na inisip ang mga mananakay na gusto lang ng matiwasay na sasakyang pampubliko.
Nananawagan kami na tigilan na ang patuloy na pagpapahirap sa mga konsyumer. Tama na itong pangit na pamumulitika. Hirap na hirap na ang taong bayan!