Solusyon sa basura, eh di huwag tayong magkalat!
Ang mga basurang plastik ay isa ngayong pandaigdigang problema na nagpaparumi sa ating kalkasan lalo na sa mga karagatan at lubhang nakakapipinsala sa mga lamang-dagat at maging sa kalusugan ng tao.
Gayunpaman, hindi rin naman maitatanggi ang katotohanang malaking kaginhawaan sa ating buhay sa makabagong mundo ang naiambag ng plastik at ng paggamit nito.
Mainam at epektibong materyal ito upang maging mas malusog, at mas ligtas ang ating mga kagamitan at gawain sa pang-araw-araw –mula sa sektor ng kalusugan, imprastraktura, pananamit, transportasyon at komunikasyon, at iba pa.
Dahil sa laganap na paggamit nito, hindi angkop na solusyon ang pag-aalis o dagliang pagpigil sa paggamit ng mga plastik lalo na nga at kulang o wala pa rin tayong mga alternatibong material na maaaring magbigay ng kaparehong mga benepisyo gaya ng sa paggamit ng plastik.
Kung paglilimian pa nga, hindi naman nag mismong plastik ang suliranin subalit ang paraan kung paano ito dinidispatsa o pinu-proseso bilang basura.
Ang polusyon sa plastik ay sanhi ng ugaling pagtatapon ng mga mamimili at kawalan ng disiplina maghiwalay ng mga nabubulok at hindi nabubulok na mga basura upang makolekta at maproseso ang mga ito ng tama.
Para sa ating mga konsyumer, dapat tandaan na ang wastong pagtatapon ng basura ay isa ring usapin ng disiplina o indibidwal na pag-uugali na tayo lamang bilang mga indibidwal ang may ganap na kontrol. Dapat din nating gawin ang ating bahagi upang iligtas ang ating kalikasan habang inaayos ng pamahalaan ang isang tamang sistema para sa pangongolekta at pagdispatsa ng mga basura lalo na ng plastik at iba pang hindi nabubulok o delikadong mga material.
Napakahalaga rin ng papel ng pribadong sector sa paglikha at pagpapatupad ng isang programang solid waste management. Dapat isaalang-alang na marami ng inisyatiba maging ang mga pribadong kompanya upang makatulong sa masinop na pagproseso ng solid waste mula recycling hanggang repurposing.
Suportahan nating mga konsyumer ang mga ganitong inisyatiba habang patuloy tayong nag-aambag bilang mga indibidwal sa tamang pagbabasura sa plastik.
Matuto na tayong mga konsyumer. Itapon ng tama ang ating basura.
HUWAG MAGKALAT!