Strike Two: Tutulan ang TRAIN Law 2!
Mariing tumututol ang BK3 sa panukalang Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law 2 (TRAIN 2) dahil sa lalong magpapahirap ito sa masang konsyumer.
Sa simula pa lamang ng pagpasok ng taon, nagsimula nang tumaas ang presyo ng mga pangunahing bilihin dulot ng TRAIN Law. Sa kabila ng isinasaad ng Konstitusyon na dapat ay nakaayon sa kakayahan ng mamamayan ang sistema ng pagbubuwis, tila bingi ang pamahalaan sa epekto ng unang TRAIN Law sa pangkaraniwang Pilipino. Nabalewala ang pagtaas ng sahod na nakuha ng iba sa unang TRAIN.
Sa naunang TRAIN Law, nagsitaasan ang presyo ng mga karaniwang laman-tiyan nga konsyumer na Filipino—ang presyo ng bigas, gulay, asukal, at karne. Umabot na sa 6.4% ang antas ng inflation nitong Agosto—higit pa sa lahat ng nabalitang tantiya ng mga ekonomista! Ayon sa pag-aaral ng IBON Foundation, hindi na nga sapat sa NCR ang 512 pisong daily minimum wage kasama ang COLA para sa isang lima-kataong pamilya. Ang family living wage sa NCR ay nasa 995 piso na! Ito ang kailangan ng isang lima-kataong pamilya upang mabuhay ng sapat lamang sa isang araw sa Kalakhang Maynila. Kulang na kulang na ang minimum wage na itinakda ng batas at siyang kinikita ng maraming pamilya sa ngayon sa kabila ng mga nagtataasang presyo ng mga batayang bilihin. Sa Enero 2019, muling tataas ang buwis sa mga bilihin dahil sa TRAIN1—at magpapanukala pa ngayon ng TRAIN 2?
Sa panukalang TRAIN Law 2, magbabawas ng mga tax incentives na tinatamasa ng mga kompanya subalit walang tiyak na pagbaba ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Taliwas ito sa “progressive taxation” dahil ito ay magiging pabor lamang sa mga pamilyang mas malaki ang sweldo kumpara sa karamihang swelduhang namamasukan. Ang kakatwa pa, sa pagkawala ng tax incentives, maaari pa ngang mabawasan ang kikitaing buwis ng gobyerno lalo na kung hindi ito mababawi sa pagsingil ng dagdag-buwis sa mga manggagawang kinakapos na nga. Sa partikular, sa TRAIN 2, maaaring mapawalang-bisa ang hindi bababa sa 30 batas na nagbibigay ng mga insentibo sa mga mamumuhunan. At paano ngayon kung magsialisan ang mga mamumuhunang ito? Bawas trabaho? Ang namamasukang masa na naman ang lalong magdudusa.
Tutulan natin ang isang posibleng one-two punch combo ng pamahalaan na magpapabagsak sa ating mga konsyumer at mga mamamayan — ang TRAIN Law 1 at TRAIN Law 2. Hindi ito ang tugon sa mga pangunahing problema ng masang Pilipino gaya ng pagtaas ng presyo ng bilihin, kawalan ng regular na trabaho, at edukasyon at kalusugan para sa lahat.