TAMANG EDUKASYON TUGON SA MABABANG KUMPIYANSA SA BAKUNA KONTRA COVID-19

Ang resulta ng survey na isinagawa patukoy sa kumpiyansa ng mga Pilipino hinggil sa bakuna kontra COVID-19 ay lubhang nakababahala. Sapagkat patuloy pa rin ang mababang kumpiyansa rito sa kabila ng iba’t-ibang bakuna na ang maaari nang pakinabangan. Ito’y may kaukulang dahilan gaya ng “Gustong Tatak ng Bakuna at Takot Kalakip ng Posibleng Side Effect/s” ng naturang bakuna. Dagdag pa rito, ang paglabas ng kautusan ni Pangulong Duterte hinggil sa di paghahayag ng tatak ng bakuna (malalaman na lamang ang tatak ng bakuna kapag ikaw ay mismong babakunahan na) sa mga vaccination site,

Hindi solusyon na ipagkait sa publiko ang tatak ng bakuna na gagamitn sa isang partikular na vaccination site sa pagkat ito ay isang paglabag sa karapatang pantao at Magna Carta for Patients. Mahalagang ipaalam sa publiko ang tatak ng bakuna na gagamitin upang mapaghandaan ang kaangkupan o pagkakatugma (compatibility) nito sa taong babakunahan gaya ng posibleng side effect at maaring komplikasyon. Hindi rin makakatulong ang sapilitang pagbabakuna sa ating mga kababayan.

Ang mainam na gawin ng pamahalaan ay magkaroon ng malinaw at kongkretong Information Campaign Drive tungkol sa mabuting pakinabang ng mga bakuna kontra COVID-19, hindi lamang sa aspektong medikal kundi na rin ang magiging mabuting epekto nito sa ekonomiya. Noong panahong wala pang bakuna, ang ating pamahalaan ay naglunsad ng mga kampanya kung paano pansamantalang makaiiwas at mapoprotektahan ang ating mga sarili laban sa COVID-19. Ngayong may bakuna na, kailangan magkaroon ng panibago at napapanahong kampanya hinggil sa Bakuna Kontra COVID-19. Sa pamamagitan ng tamang edukasyon ay mabubuksan natin ang isip ng ating mga kababayan, na sila ay magkusang loob na magpabakuna. Ito ay labis na makakatulong sa pagkamit natin ng “Herd Immunity”.

Tandaan natin na ligtas ang magpabakuna kontra COVID-19 sa pagkat ito ay nagdaan sa masusing pag-aaral ng mga eksperto sa larangan ng medisina. Kaakibat nito ang pagtitiyak na di tayo madaling magkakasakit, makakaiwas tayo sa malalang kaso ng COVID-19 at higit sa lahat, maiiwasan ang pagkahawa o paglaganap ng sakit na maguuwi sa pagkawala ng maraming buhay.

Matagal na panahon din natin hinintay ang ang paglabas ng bakuna sa COVID-19.

MAGPABAKUNA. ILIGTAS ANG SARILI, MAHAL SA BUHAY AT HIGIT SA LAHAT ANG ATING BAYAN.