Tigilan muna ang buwis sa kuryente habang may krisis

Habang lalong lumalala ang krisis ng pandemya at kinakapos na ang pang-ayuda sa mga nagugutom nating mga kababayan, malaking tulong ang suspendihin o kaya’y bawasan ang mga pagsingil ng mga BUWIS at iba pang nakakadagdag sa gastos katulad ng FIT-ALL at Universal Charge.
Kamakailan lamang ay nagpahayag ang Manila Electric Company o Meralco na magkakaroon ng dagdag-singil sa kanyang kuryente o enerhiyang ipinamamahagi bilang isang distribution utility dahil diumano sa pagtaas ng presyo ng paglikha o pag-generate ng kuryente.
Mainam na bigyang pansin, na ang pagtaas na ito ay hindi ipinapatupad ng Meralco bilang isang distributor ng enerhiya. Ang pagtaas presyo na ito ay bunga ng biglaang pagtaas ng konsumo ng kuryente dulot ng tag-init at mula sa mga supplier mismo ng kuryente.
Ang pagtaas na ito ay itinatakda isang buwan lamang matapos matamasa ng ating mga konsyumer ang pinakamababang presyo ng kuryente mula pa noong Agosto 2017 sa mga lugar na sakop ng the Meralco. Para sa isang tipikal na sambahayan o household na sakop ng serbisyo ng Meralco, ang dagdag-singil na ito ay nasa P0.0872 per kWh lamang mula sa dating P8.3195 hanggang P8.4067 per kWh nitong Marso. Kung babaliktanawin pa nga, mas mababa pa ito sa siningil na P8.9951 per kWh noong Abril 2020.
Sa lagay na ito at kung pag-aaralang maigi ang rekord ng paniningil ng Meralco, kapansin-pansin na ang sinisingil nito para sa serbisyo ng distribusyon at metering ay di na nagbago sa loob ng animnapu’t siyam (69) na buwan mula pa noong Hulyo 2015 nang ibinaba pa nga ang tantos ng nasabing paniningil.
Sa pagsusuri ng BK3 isang malaking bahagi pa ng paniningil ng Meralco ngayon ay bunsod ng mga buwis na nakapataw sa sektor pang-enerhiya. Kaya’t kung ninanais natin ang pagbaba ng presyo ng kuryente, kinakailangan and pagpapababa ng pagbubuwis at ilang pang sinisingil katulad ng Universal Charge at FIT-ALL na ipinapataw sa mga konsyumer. Isa itong usaping dapat sa pamahalaan ibato.
Sa huling paglilimi, ang magagawa na lamang talaga natin sa ating adbokasiya ay hilingin sa pamahalaan ang masusing pag-aral sa opsyon na bawasan ang buwis sa sektor pang-enerhiya at bantayan ang biglaang pagsasara ng mga power plant na nagdudulot ng pagtaas ng presyo sa paglikha ng kuryente. Dapat parusahan ang mga kompanyang may-ari ng mga power plant na mapapatunayang sadyang tinitigil ang operasyon kakuntyaba ang ibang power plant para magkaroon ng pagsipa sa presyo ng kuryente.
Sa gitna ng ating panawagan, mapupuwersa na lamang talagang magtipid tayong mga konsyumer sa ating paggamit ng kuryente hanggang kakayanin. Subalit, sana naman ay may makita rin ang ating “pagsasakripisyo” at seryosong hakbangin ng pamahalaan sa pagpapababa ng presyo ng kuryente sa buong bansa at di lamang sa mga lugar na sakop ng serbisyo ng Meralco.
Prof. Louie Montemar
BK3 Convenor