Tutulan ang SSB Tax!

Tutulan ang SSB Tax!

Maawa naman kayo sa naghihikahos na taumbayan!

Sa ngalan ng ating mga konsyumer at mga namumuhunan sa mga sari-sari store sa buong bansa—lalo na iyong mga pinakahikahos nating mga kababayan—paigtingin natin ang pagsalungat sa ipinapanukalang excise tax sa mga sugar-sweetened drinks (SSB) o mga inuming pinatamis ng asukal.

Para sa atin sa Bantay Konsyumer, Kalsada, Kuryente (BK3), isa itong mapait na panukalang nagbabadya ng mas matataas pang presyo ng mga bilihin. Mapait na Pasko ang dulot nito sa milyun-milyon nating mga kababayan.

Gaya nga ng paulit-ulit na idinidiin ng tagapangulo ng Philippine Association of Sari-Sari and Carinderia Owners (PASCO) na si Ginang Victoria “Nanay Vicky” Aguinaldo, tatlumpu (hanggang apatnapung porsiyento (30%-40%) ng kabuuang benta ng mga maliliit na tindahan sa ating mga barangay ang mula sa mga pinatamis na inumin o SSBs tulad ng mga soda, iced tea, at ready-to-drink juice.

Ang pinakapunto ng grupong ito ni Ginang Aguinaldo—na kumakatawan sa 1.3 milyong sari-sari store at carinderia—sa buong bansa, tiyak ang magiging pagtaas ng presyo ng mga bilihin kung bubuwisan pa ng higit ang mga pangkaraniwan at pinakamabiling produkto.

Para sa iba pa nga, maaaring mangahulugan ito ng tuluyang pagsasara ng ilang mga tindihan, lalo na iyong nakaasa nang higit sa benta ng mga SSBs. Sa mga pinakamahihirap namang konsyumer, higit pang gutom ang ibinabadya nito.

Hindi kasiya-siya, bagkus nakakatakot ang maaring kalabasan ng bicameral meeting sa Kongreso hinggil sa SSB excise tax. Maaari pa ngang madagdagan ang huling bersyon ng buwis sa SSB ng pinakabagong bersyon ng Senado.

Dahil dito, hinihiling natin sa ating mga mambabatas na ipakita nila ngayon ang kanilang puso para sa ordinaryong Pilipino.

Sa Senado, sa naaprubahang bersyon ng SSB—ang panukla ni Senador JV Ejercito—nakatakda sa P4.50 lamang ang dagdag para sa bawat isang litro ng SSB. Pantapat ito sa P10-rate na panukla naman ng mga kasapi ng House of Reprentatives.

Sa kahit anong bersiyon, tiyak ang pagtaas ng sumusuzod: para sa powdered juice at iced tea, mula P9 hanggang P13.50 kada 1 liter sachet; para sa mga soda, mula P16 hanggang P20.50 kada litro; at, para sa ready-to-drink juice, mula P20 hanggang P24.50 kada litro.

Mismong si Sen. Ralph Recto na ang nagsasabi na ang buwis sa SSB ang pinaka-kontrobersyal at sensitibong probisyon ng Tax Reform para sa Acceleration and Inclusion Act o TRAIN bill dahil sa inaasahang epekto nito sa karamihan ng ating mga mamamayan.

Maawa naman po kayo mga Kinatawan at Senador namin. Humanap po kayo ng ibang pagkukunan ng dagdag pondo para sa pamahalaan. Labis na po ang pait sa buhay ng mahihirap sa ating bansa. Huwag na po natin sanang dagdagan pa.