Umiinit na Usapin sa Enerhiya

Dama natin ang tumitinding init sa harap ng isang nagbabagong klima. Papainit din talaga ang panahon lalo na’t papalapit na nga ang tag-init sa bansa. Kasabay nito, malamang na iinit pa ang usapin ng pangangailangan natin sa enerhiya.

Nitong Pebrero 26, 2018, nasa yellow alert ang Luzon grid. Ibig sabihin, halos umabot ang pangangailangan o “demand” sa kuryente sa antas na kaya lamang i-supply ng mga powerplant.

Naulat sa mga pahayagan na mayroon lamang 9,971 megawatts (MW) para sa Luzon, subalit umabot ang pangangailangan sa 9,349 MW (2 p.m.) at 9,081 MW (11 a.m.). Ibig sabihin, ang antas ng reserba ay mababa pa sa limitasyong minimum na 647-MW.

Kaugnay nito, ilang mga powerplant ang napwersang tumigil ng pansamantaala sa iba’t ibang mga kadahilanan. Kabilang dito ang Pagbilao, GN Power Unit 1, Makban Unit 5, South Luzon Power Generation Corp. Unit 2, Malaya unit 1, Makban unit 8, San Lorenzo Module, at GN Power Unit 2. Kalumaan ang pangunahing hamon sa maraming mga powerplant kaya sila napapatigil.

Malamang na malaking dahilan ng pagtaas ng pangangailangan sa kuryente ang init sa panahong iyon. Pansining ang “peak demand” (pinakamalaking pangangailangan) ay tumama sa pagitan ng 11 a.m. at 2 p.m. Paano na lamang sa pagdating ng mismong tag-init? Sa records ng Meralco, karaniwang nasa pagitan ng Marso at Mayo ang pinakamatinding pangangailangan sa kuryente sa bansa.

Ang tanong ngayon, gaano kahanda ang bansa para sa matinding init at papataas pang pangangailan ng bansa sa enerhiya lalo na sa pagpalawak ng mga gawaing pang-impraistruktura ng pamahalaan? Paano na ang Build, build, build?

Isa pang nakakapagpa-init sa usapin ng enerhiya ay ang presyo nito. Isa pa rin sa pinakamataas sa rehiyon ang presyo ng kuryente sa ating bansa. Nangangailangan ng higit na pagsisiyasat ng mga regulator ang mga “artipisyal na singilin” na labis na nagpapataas sa presyo ng kuryente. Halimbawa na lamang, noong 2010, ang average na antas ng presyo ng kuryente ay nasa Php 8.95 / kwh. Nitong 2017, ang kuryente ay talagang bumaba sa Php7.93 / kwh. Ang nabawasang singil sa pag-supply at mga singil sa pamamahagi ang dalawang pangunahing dahilan sa pagbaba.

Sa kabila nito, ang kabuuang halagang pasan ng mga mamimili ay nananatiling mataas dahil sa kumbinasyon ng maraming mga singilin: ang halaga ng mga buwis na idinagdag sa lahat ng mga panukalang kuwenta, kabilang ang isang reimposisyon ng VAT sa paghahatid, sa ibabaw ng buwis ng pambansang franchise ng NGCP, excise tax sa karbon, Universal Charges, at Feed-in-Tariff Allowance upang mag-subsidize ng mga proyektong nababagong enerhiya. Ang dalawa sa mga item ay dahil sa kamakailan-lamang na ipinataw na Tax Reform para sa Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law. Ang mga “Artipisyal na Pagsingil” (artificial charges) na ito ang sumpa sa konsyumer ng kuryente

Sa harap ng lahat ng mga ito, hindi bababa sa 93 mga kasunduan sa supply ng kuryente (power supply agreements o PSA) ang kasalukuyang nakabinbin sa Energy Regulatory Commission (ERC). Mismong mga komite na sa Konggreso ang humihimok sa ERC na agad nang lutasin ang pitong (7) PSAs ng Meralco na nakabinbin, sa pamamagitan ng House Resolution 1741.

Nananawagan ang BK3 sa mga ahensiya at tanggapan ng pamahaalan na haraping kagyat ang mga usaping nailatag sa itaas. Patuloy ang pag-init ng usapin. Baka maging huli na ang lahat at maging isang ganap na sunog kung walang matamang patakaran na ilalatag o mga aksiyong tatahakin.