USIGIN AT PAPANAGUTIN ANG MAY SALA SA DSWD-STARPAY DEAL

Di pa man natatapos ang anomalya sa DBM-Pharmally Incorporated ay nasangkot nanaman sa panibagong anomalya ang DSWD at Starpay hinggil sa pamamahagi ng ayuda sa mga kapus-palad nating mga kababayan sa panahon ng pandemya.

Ang Starpay ay isang financial service provider na di-umano nagdeklara ng pagkalugi noong 2019. Ang DSWD ay inatasan muling mamahagi ng ayuda sa halagang 50 bilyong piso at sya namang kinuha ang serbisyo ng Starpay sa paghahangad na mas mapadali ang pamamahagi ng ayuda sa mga benepisyaryong naapektuhan ng ECQ lockdown. Sa kasawiang-palad ay malaking bilang ang di nakatanggap ng ayuda, at ang masaklap pa nito, ang salaping di naipamahagi ay kahinahinalang idiniposito sa pribadong bangko.

Sa kabila ng pagkalugi ng Starpay, ay nakapagtataka kung paano nakuha ang tiwala at kumpyansa ng DSWD na sila ang mangasiwa sa napakalaking transaksyon? Kung tutuusin ang pagkalugi ng kumpanya ay katumbas ng walang kakayahan. Nakapagtataka na dami ng mga institusyong pampinansyal na kwalipikad at subok na, ang Starpay pa rin nabigyan isatupad ang malaking reponsabilidad na ito.

Tila ba sinasamantala ang krisis sa pandemya. May ilang malapit sa kapangyarihan ang nagpapasasa habang ang karamihan sa atin ay nagdurusa.

Isang malawakan at matinding krimen ang anomalyang ito. Huwag natin itong palampasin! Ang may sala ay dapat usigin at panagutin!

Pet A. Climaco

Secretary – General

BK3