Sa dumadaming ‘Yellow Alert’, kailangan ng mabilis na aksiyon
An ounce of prevention is better than a pound of cure, wika nga sa inggles. Kailangang maging maagap tayo pagharap sa mga banta sa kalagayan ng ating bansa. Ito ang isang bagay na dapat isipin ngayon ng ating mga pinuno sa “Energy Regulatory Commission” (ERC).
Dahil sa lumalaking ekonomiya ng bansa at lalong umiinit na panahon, higit pang lumalaki ang pagkonsumo natin sa kuyente. Malaking hamon ngayon sa ating pamahalaan, sa sektor ng enerhiya, ang mapanatili ang ating kapasidad sa produksyon ng elektrisidad.
Nakababahala ang nabalitang may anim beses na palang nagka-yellow alert sa sector ng enerhiya sa bansa nitong Setyembre. Ibig sabihin, malapit nang kapusin ang ating supply ng kuryente. Mula nang magsimula ang taon, may tatlong beses nang nagkaroon ng red alert dahil nagkabrown-out sa kakulangang ng supply ng kuryente.
Ang mga obserbasyong ito ay ayon sa mismong pahayag ng pinagsanib na pulong ng Komite ng Kongreso sa Enerhiya at Good Government and Public Accountability.
Maganda namang mapansin ang indikasyong tila patuloy na paglaki ng ating ekonomiya. Subalit paano natin ngayon mapapabilis pa at mapalaki ang produksiyon sa ating bansa kung hindi matutugunan ang batayang pangangailangan sa enerhiya?
Dapat pa ngang pansinin na napakamahal ng ating bentahan sa kuryente o enerhiya kung ikukumpara sa ibang bansa. Isa ang Pilipinas sa may pinakamahal na elekrisidad sa bahaging ito ng Asya. Sa katotohanan, isa ito sa mga dahilan kung bakit narami ang natatakot magtayo ng malaking pabrika o negosyo na malaki sana ang maitutulong sa pagbigay ng trabaho sa mga Pilipino.
Sa harap ng hamong ito, kailangan nating manawagan sa ERC upang maging higit pang maagap at masinop sa gawain nito. Ayon sa Konggreso, may mga nakabinbing aplikasyon para sa power supply agreements (PSAs) ang Manila Electric Company. May di bababa sa siyam na pung (90) PSAs na ang dapat desisyunan ng ERC.
Ibig sabihin, nakaumang na ang mga proyekto para sana sa produksiyon ng dagdag na kuryente subalit naiipit ang mga ito sa proseso ng pag-aaral at pag-apruba ng ERC.
Gaya ng nasabi na, kailangang maging maagap tayo sa pagharap sa mga banta sa kalagayan ng ating bansa. Kung hindi, mas lalo pang lalala ang sitwasyon. Kapag dumalas pa at lumawak ang brownouts, masama ang epekto nito sa produksiyon, kalusugan, at pangkalahatang lagay ng ating mga mamamayan. Baka gawin pang dahilan ang nakaambang kakapusan sa kuryente sa pagtataas ng presyo ng mga bilihin.
Mabilis na aksiyon ng ERC ang kailangan sa kagyat. Sa pangmatagalan, kailangan nating payabungin pa ang programang pang-enerhiya ng bansa bilang mahalagang tuntungan ng sustenidong kaunlaran.
Louie Montemar
Convenor, BK3