PAUBOS NA BA ANG MALAMPAYA GAS FIELD?
Nalalapit na ang pagka-ubos ng suplay ng “NatGas” at dapat lamang ihayag ito sa publiko. May nakatakdang maintenance shutdown ang Malampaya subalit nagkaroon ng biglaang paghinto ng suplay nitong nakaraang linggo lamang. May humintong planta na umaasa sa “natgas” o natural gas at may iba namang malalaking planta na maipilitang gumamit ng alternatibong “Liquid Gas” na mas mataas ang presyo.
Kabilang sa mga plantang ito ay pagmamay-ari ng First Gen na Sta. Rita at San Lorenzo, na kinailangan na gumamit ng liquid gas. Ang San Gabriel naman, tuluyan munang itinigil ang operasyon. Malaki din ang nabawas sa output ng planta na Ilijan dahil sa kurampot na natgas na nakukuha mula sa Malampaya. Matagal na pala nangyayari ito at mukhang wala pa ring solusyon.
At hindi ito ang huli. Matagal nang naka-schedule ang pansamantalang pagsasara ng Malampaya gas field para sa maintenance nito at hindi na pwedeng ipagpaliban pa. Magsisimula ito sa October 2 hanggang October 22, 2021.
Maraming planta ang kumukuha ng gas sa Malampaya. Hindi lang ang nasa Luzon ang apektado kundi pati ibang distributor o kooperatiba na sa WESM kumukuha ang apektado. Nanganganib na naman ang sunod-sunod na brown-out na lalong pipinsala sa naghihingalo nang ekonomiya at sa kabuhayan ng mga konsyumer.
Ang kinakapos na suplay ng kuryente ang naging dahilan ng paglobo ng presyo ng kuryente sa WESM (Wholesale Electricity Spot Market) sa nakaraang anim na buan.
Anong epekto nito sa mga katulad nating konyumer ng kuryente?
Magiging mas mahal na fuel na kuryente, ibig sabihin ay mas mahal na generation charge ang ipapataw ng mga generation companies na kailangan nating bayaran sa susunod na buwan.
Ang nakakagulo pa, maraming ngaw-ngaw galing sa ilang politiko. Maraming nagiingay at kung anu-ano ang kuro-kuro. Ang kailangan natin ngayon ay tutukan ang tunay na problema at maghanap ng tamang solusyon katulad ng polisiya o angkop na batas upang magkaroon ng bagong eksplorasyon para magkaroon ng panibagong suplay ng natgas.
Sa mga may-ari at nagpaptakbo ng Malampaya, ano ba talaga ang lagay ng suplay ng natgas? Paubos na ba? Hanggang kelan na lang maasahan ang Malampaya?
Sa gobyerno naman, anong ang plano para hindi nanaman maperwisyo and taongbayan ng brownout at mahal na presyo ng kuyente?