SC TRO makabubuti sa mga konsyumer
Suportado ng Bantay Kuryente ang desisyon ng Korte Suprema sa ipinalabas nilang Temporary Restraining Order (TRO) para pigilan ang Department of Energy (DOE) at ng Energy Regulatory Commission (ERC) sa implementasyon nito ng kanilang bagong panukala tungkol sa retail competition and open access (RCOA).
Sa nasabing desisyon umano ng Korte Suprema ay hindi lamang ang mga naghain ng petisyon ang makikinabang kundi maging ang mga consumers.
Nauna nang sinabi ni Bantay Kuryente Secretary General Pet Climaco, na kung itutuloy ang implementasyon ng RCOA ay patataasin din nito ang presyo ng kuryente hindi lang para sa mga contestable customers kundi pati sa mga ordinaryong konsyumer.
Naninindigan din ang Bantay Kuryente na ang implementasyon ng mandatory contestability ay isang malinaw na paraan ng pagpuwersa sa mga contestable customers na kumalas sa kanilang kasalukuyang supplier.
Para umabot sa hindi makatotohanang deadline na February 26, 2017 na siyang itinakda ng ERC, mapipilitan ang mga contestable customers na pumirma ng kontrata sa mga awtorisadong retail electric supplier (RES) kahit pa ang mga tuntunin sa mga kontratang ito ay malinaw na mas pabor sa RES kaysa sa kanila.
Ang nasabing desisyon ng Kataas-taasang Hukuman ay nag-ugat matapos maghain ng petisyon ang Philippine Chamber of Commerce & Industry, Ateneo De Manila University, San Beda College-Alabang at ang Riverbanks Development Corp.
Giit ni Climaco ang pagkakaisa umano ng mga naghain ng petisyon ay nagpapakita lamang na hindi sang-ayon ang iba’t ibang sektor ng lipunan sa bagong panukala ng DOE at ERC.
Also posted in http://www.philstar.com/bansa/2017/02/27/1675973/bantay-kuryente-sc-tro-makabubuti-sa-mga-konsyumer