Impormasyon ang angkla ng demokrasya

Sa isang webinar na inilunsad ng Stratbase ADR Institute noong Oktubre 27, tumimo sa BK3 ang kahalagahan ng pag-iral ng malayang impormasyon at mga demokratikong proseso sa ating lipunan sa gitna ng pandemya.

Ang naturang webinar na tinaguriang “Democracy Goes On” ay kinatampukan ng mga piling tagapagsalita mula sa Estados Unidos (U.S.) at Estonia. Ang ikalawang sesyon naman ay kinatawan ng mga Pilipinong opisyal mula sa pamahalaan, akademya, at NGO.

Sa nasabing virtual town hall discussion, nagbabala si Penny Lee (Ugnayang Pampubliko, Komentarista, at Tagasuri) na ang U.S. at ang Pilipinas ay kapwa humaharap sa problemang dulot ng mga mali at pekeng impormasyon. Inilahad niya ang matinding panganib at pangamba sa mga tao kung paanong ang impormasyon tungkol sa kanila ay maaaring baguhin, manipulahin, at tipunin para sa kakaibang hangarin at layunin.

Tulad ni Bb. Lee, ang BK3 ay naninindigan rin para sa malaya impormasyon at sa lipunang may malayang proseso. Sa gayon, ang paglahok at partisiparyon ng mga mamamayan ay magkakaroon din ng laya. Higit dito, ang pagkakaroon ng malayang paglahok batay sa malaya at tamang impormasyon ay magbubunga rin ng inklusibong demokrasya.

Dagdag dito, binigyang pansin naman ni Atty. Rona Ann V. Caritos (Punong Tagapagpaganap ng LENTE) ang kahalagahan ng impormasyon. Kaugnay nito, isa sa mga panukalang batas ng LENTE ay ang Anti-Troll Bill & Code of Conduct. Ang panuklang ito ay para sa mga PR firms at mga indibidwal na lumalahok sa propagandang politikal.

Lubos na sumasang-ayon ang BK3 sa pagkakaroon ng ganitong batas dahil kailangang talagang padaanin sa matamang regulasyon ang pagpapadaloy at paggamit ng impormasyon, maging personal, pribado o publiko man ang mga ito.

Kung kaya’t lubos na nananawagan din ang BK3 na dapat nating labanan ang pagpapakalat ng maling impormasyon. Gamitin ang teknolohiyang digital at social media sa pagsusulong ng kaunlaran at kabutihan ng lahat ng mamamayanan.

Malayang impormasyon at paglahok sa mga prosesong politikal ang tuntungan ng ating demokrasya!