Nasaan na ang Cancer Assistance Fund?

Nasaan na ang Cancer Assistance Fund?

Naipasa noong 2019 ang National Integrated Cancer Control Act na naglalayong pababain ang bilang ng mga Pilipinong namamatay mula sa kanser at tulungan ang mga pasyente sa aspetong pinansyal ng kanilang pagpapagamot.

Gustong pagtuunan ng pansin ng batas lalo na ang mga Pilipinong walang kakayanang tustusan ang kanilang laban sa kanser.

Para sa kasalukuyang taon, pinaglaanan ng Kongreso ng P529 milyon ang Cancer Assistance Fund na siyang popondo sa pagtuko, pangangalaga at paggamot ng kanser.

Subalit Setyembre na, at higit sa tatlong buwan na lang ang natitira sa taong 2022. Hindi pa rin nagagamit ang CAF. Nagkaroon pa ng ilang gusot sa paglalabas ng pera kung kaya’t hindi pa lubusang maisakatuparan ang hangarin ng batas.

Nanawagan na ang National Integrated Cancer Control Council – ang ahensya sa ilalim ng Department of Health na sadyang binuo para sa implementasyon ng batas – para ilabas na ng DOH at ng Department of Budget and Management ang kanilang Joint Memorandum Circular tungkol sa CAF ngayon taon.

Sinabi rin naman ng Officer-in-Charge ng DOH na si Dr. Maria Rosario Vergeire na nalagdaan na ang circular at ang natatanging natitirang gawin ay ang ipatupad ito.

Bawat araw na walang aksyon ang mga kinauukulan ay isang araw na nasasayang para sa mga kababayan nating mag kanser pati na rin para sa kanilang mga mahal sa buhay. Malayo ang mararating ng naturang P529 para maibsan ang mabigat nilang pasanin laban sa sakit na ito. Malaking pagbabago – at pag-asa – ang maidudulot nito dahil ang pagkamatay sa kanser ay maaring iwasan sa pamamagitan ng maagap na paghahanap ng lunas.

Huwag nating sayangin ang pondo. Isipin natin ang ating mga kababayang nagdurusa hindi lamang sa sakit kung hindi sa bigat ng halagang kailangan nilang bunuin. Kailangan nang gamitin ang CAF ngayon – at kailangan ring ipagtuloy-tuloy at lakihan pa ang alokasyon dito sa mga susunod na taon. Maraming buhay ang kaya pang sagipin.