Seryosohin ang Cybersecurity
Seryosohin ang Cybersecurity
Pahayag ng BK3
Kakambal ng ating karapatan sa buhay, kalayaan, at ari-arian ay ang seguridad ng mga ito laban sa paglalapastangan o pananamantala dito. Ang nakaraang pag-hack ng database ng PhilHealth, at ang sumunod na pagrelease ng mga datos ng milyun-milyon sa ating mga kababayan sa dark web ay isang paglabag sa ating seguridad, at pagbabanta sa ating pagkatao at pribadong buhay. Hindi pa nga tayo nakakahinga sa dumadaming text scams na kung hindi man tayo hinihingian ng pera, tayo ay ninanakawan ng ating mga personal na impormasyon na maaring ginagamit ng mga salarin para sa kung anumang kabuktutan, ay heto naman at ipinamamayagpag ang impormasyon natin sa internet.
Ang mga ganitong pag-atake sa mga imprastrusktura ng ating mga ahensya sa gobyerno ay nagpaparalyze ng operasyon ng ating mga institusyon, at sumisira ng pagtitiwala ng taumbayan sa kakayanan ng pamahalaan na pangalagaan ang kanilang kapakanan. Sa ngayon, ang sambayanan ay nangangamba na ang kanilang mga pribado at sensitibong impormasyon na nailathala na para sa mga sindikato ng “cyber-crime”.
Habang malugod nating tinatanggap ang pagpapaalala ng ating pamahalaan na siguruhin nating ligtas ang ating mga personal na impormasyon sa pamamagitan ng madalasang pag-update ng ating mga password, ang solusyon ay hindi lang dapat naiiwan sa pagiging mapagbantay ng bawat-isa sa ating mga sariling kapakanan. Kailangang ang ating gobyerno mismo ang magbuo at magpatibay ng mga stratehiya at paraan upang ang lahat ng mga mamamayan (at hindi lang ang mapagbantay) ay maprotektahan laban sa mga pag-atake ng mga mapanamantala.
Seryosong ugnayan sa pagitan ng gobyerno at mga dalubhasa sa teknolohiya galing sa mga telco at pribadong sektor ang kailangan upang magkaroon ng matibay na depensa at opensiba laban sa mga kriminal sa internet.
Atty. Karry Sison
Convenor