TREN NA INIWAN NG BUSAN
Labing-apat (14) na beses nang nasira at namerwisyo ang linya ng MRT3 sa unang labing-anim na araw ng Enero 2018!
Noong 2017, umabot sa 516 beses na nasira ang MRT3 at tumigil ang operasyon nito. Noong 2016 naman, may 441 insidente ng pagtigil at pagkasira nito. Ano naman ngayong 2018, papataasin pa ang pangit na record?
Milyun-milyon na ang taong napeperwisyo! Di na mabilang ang naabalang trabaho at negosyo.
Ano ba ang hinihintay ng pamahalaan? Kailangan pa bang hintayin magkaroon ng isang matinding aksidente bago magising ang DOTr? Hanggang kalian pa ang kalokohang ito?
Hindi na po bagong upo ang gobyernong ito. Noong Nobyembre, natuwa pa nga ang ilan sa atin sa desisyon ng DOTr na ipawalang-bisa na ang kontrata ng Busan Universal Rail, Inc. (BURI) dahil sa palpak na maintenance ng MDT3.
Inaasahan naman natin siyempre na sa kagyat, aayos ang operasyon ng MRT. Subalit ano ang pumalit? Halos araw-araw, may libu-libong mga pasahero ang nasisira ang lakad, napapalaki ang gastos, at minumura ang pamahalaan. Nakakasawa na talaga!
Maawa naman sana ang ating mga opisyal sa mga pangkaraniwang pasahero! Siniswerte pa rin ang gobyerno dahil likas na mahaba ang pasensya ng mga Pilipino. Araw araw na kalbaryo sa trapik at halos nagtataya na ng buhay dahil sa bulok na kondisyon ng MRT3.
Kailan kikilos ang mga kinauukulan? Kapag may mga nakatimbawang na sa mga riles na nilisan ng Busan? Kapag namantsahan na ng dugo ang treng iniwan ng Busan?
Huwag naman sana.
Ingat na lang muna tayo.