ETO NA NAMAN ANG MGA “YELLOW ALERT”!
ETO NA NAMAN ANG MGA “YELLOW ALERT”!
Iniutos na ni Department of Energy (DOE) Secretary Alfonso G. Cusi ang imbestigasyon sa lagay ng ilang mga planta ng enerhiya dahil sa kanilang biglaan at panandaliang pagsasara.
Kabilang dito ang planta sa Mariveles, Bataan ng mga grupong Ayala at Aboitiz, ang Malaya thermal power plant ng Power Sector Assets and Liabilities Management Corporation (PSALM), ang Calaca coal-fired facility ng grupong Consunji; ang ikalawang yunit ng South Luzon Power Generation Corp (ng grupong Consunji rin); ang 150MW Unit 1 ng South Luzon Thermal Energy Corporation (Ayala); at, ang ang ikalawang yunit ng San Miguel power group.
Nitong Huwebes, kung gayon, umabot sa 1,226 megawatts (MW) ng kuryente ang nawala.
Dagdag pa rito, bumaba naman ang produksiyon ng enerhiya sa Masinloc unit 1 at 2, pati na ang planta sa Pagbilao.
Kailangang talagang bantayang maigi ng DOE ang operasyon ng mga planta ng kuryente para sa mga hindi naka-iskedyul na pagsasara. Kapag may mga biglaang tigil operasyon ng mga planta siguradong bubulusok na naman ang presyo ng kuryente lalo na sa panahon ng “peak demand” sa mga buwan ng tag-init (ang “peak demand” ang naitatalang pinakamataas na pangangailangan ng mga konsyumer sa isang tukoy na panahon).
Ang totoo, hindi na dapat nakagugulat na magkaroon ng mga ganitong pag-alerto sa suplay ng kuryente. Marami sa ating mga planta ay luma na at gumagamit ng teknolohiyang napaglipasan na.
Muli, panawagan ng BK3 ang pagpapababa sa presyo ng kuryente sa pamamagitan ng kagyat at istratehikong pamumuhunan sa sektor ng enerhiya. Malaking hadlang pa rin ang matagla at masalimuot na burukrasya na bumabarikada sa mga nakabinbing proyektong dapat sana’y matagal nang naumpisahan.
Harapin natin ang isyung ito dahil hindi natin mapalalago pa ang ating ekonomiya kung kulang tayo sa enerhiya.
Huwag na nating hintaying maging red alert pa ang yellow alert. Tayong lahat ang mahihirapan.