Anong landas ang ating tinatahak?
Ika-9 ng Hunyo 2019 nang nalagay sa bingit ng kamatayan ang dalawampu’t dalawang kababayan nating nangingisda sapagkat binangga ng isang sasakyang pandagat ng bansang Tsina—ang Yuemaobinyu 42212–ang pampangisdang bankang F/B Gem Vir1 na kinalulunan ng mga nasabing Filipino.
May nangyari ba sa kasong ito na naganap sa tinatawag nating Recto Bank sa loob mismo ng ating teritoryo sa West Philippine Sea (WPS)? Nakamit ba ng mga mangingsda ang katarungan? Nagpalimos ang pamahalaan sa mga biktima at pumormang iimbestigahan ang kaso. Nasaan na ngayon ang mga gumawa ng krimen?
Ang payak na katotohanan: walang nangyari, kahit pa nga kinilala pa mismo ng ating Hukbong Pandagat na binangga talaga ang sasakyan ng ating mga kababayan at iniwan silang palutang-lutang sa karimlan ng madaling-araw sa gitna ng dagat.
Ngayon, may isang taon na at ikalawang selebrasyon na ng Araw ng Kalayaan (o Kasarinlan) mula ng maganap ang itong “The Recto Incident” (mas dapat yatang tawaging Recto Ramming).
Paglimian nating maigi kung anong aral ang mahuhugot natin mula sa nasabing kaganapan.
Para sa amin sa Bantay Konsyumer, Kuryente, at Kalsada, hindi aksidente ang naganap sa Recto Bank lalo na kung susuriin ito kaugnay ng iba pang nagaganap sa WPS at sa ating kabuuang buhay pampolitika at pang-ekonomiya.
Malabnaw na kalayaan ang mayroon tayo kung hindi natin isinasabuhay ang ating kasarinlan. Sa harap ng mga panghihimasok ng Tsina sa ating karagtan, dapat lamang na matatag at matikas ang maging porma ng ating bansa laban sa mga pambabastos sa loob mismo ng ating teritoryo.
Kung ang kalayaan ay kawalan ng mga direktang pumipigil sa atin bilang bansa sa pagdedesisyon at pagkilos, ang kasarinlan ay kakayanang gamitin ang kalayaang ito para maukit natin ang isang kinabukasang nagtataguyod sa interes ng ating bayan.
Ngayong ika-122 Araw ng Kalayaan, manalamin tayo bilang isang bansa—pag-isipan nating maigi kung anong landas ang ating tinatahak na ngayon. Patungo ba tayo sa kinabukasan nang may kasarinlan o nang may tali pa rin sa leeg at parang asong hila-hila ng mga dayuhan?
Mabuhay ang tunay na Kalayaan! Mabuhay ang Pilipinas!
Louie Montemar
Convenor
Bantay Konsyumer, Kalsada, Kuryente