Pagsulong ng digital na teknolohiya at imprastraktura
Sa katatapos lang na webinar ng Stratbase ADR Institute tungkol sa “Secure and Reliable Cloud Banking for Economic Recovery,” tumimo sa aming isipan ang halaga ng tinatawag na financial inclusion at lumahok sa tinatawag na digital commerce, lalo na’t may pandemya.
Sa pambungad ng webinar, binigyang diin ni Prof. Dindo Manhit (President, Stratbase) ang kahalagahang nakakagamit ang lahat ng teknolohiyang digital at mabigyan ng pantay na oportunidad upang umunlad ang mga mahihirap katulad ng may kaya.
Naniniwala ang BK3 na malaking benepisyo ang nakakagamit ng serbisyo ng bangko at mga makabagong pampinansyal na teknolohiya. Naging laganap na ang paggamit ng maraming online payment platforms. Sa katunayan, ang mga pamamaraang ganito ang nagpapabilis sa pagdaloy ng pera anuman ang layo ng pinanggagalingang lugar. Dagdag pa, naiiwasan rin ang mga harapang transaksyon na maaaring magdulot ng panganib kaugnay ng paglaganap ng Wuhan virus.
Lalo pa, ang karamihan ay madalas magpadala ng pera upang tulungan o sustentuhan ang pangangailangan ng mga kamag-anak at kaibigan.
Kung gayon, hindi lamang ang mga may pera o nakakaangat sa buhay kundi ang milyung-milyong mahihirap ang makikinabang sa paggamit ng mga solusyong digital sa pang-araw-araw na buhay natin at sa mga komersyal na transaksyon.
Sa pagiging laganap ng digital na transaksyon, napag-usapan din sa webinar ang pag-iral ng ilang panganib. Ayon sa Deputy Governor ng Bangko Sentral ng Pilipinas, Chuchi Fonacier, ang mga cyber threats ay kailangang kilalanin at seryosohin. Ito ay bahagi ng reponsableng paggamit sa digital na teknolohiya.
Sinabi naman ni G. Andres Ortola (General Manager, Microsoft Philippines), ang panganib ay matutugunan kung: Una, gumagamit ng tamang teknolohiya. Pangalawa, may suporta ng tamang proseso ng pamamahala ang paggamit ng tamang teknolohiya. At pangatlo, kailangang maging malinaw o malinis ang mga proseso kaugnay ng teknolohiya at pamamahala.
Naniniwala rin ang BK3 na kailangan nating hanapan ng solusyon ang mga nasabing panganib. Sa gayon, mas mapapabilis at magiging ligtas ang daloy ng mga bultu-bultong transaksyon at proseso sa gitna ng pandemya. Maging ang pagtawid natin sa susunod at bagong kaayusan sa lipunan ay pagagaanin rin ng angkop na teknolohiyang digital.
Sang-ayon din ang BK3 sa pangkalahatang mensahe ng webinar na isulong ang pakikipagtulingan ng gobyerno sa pribadong sektor at mga mamamayan. Bukod dito, lubhang malaki ang maitutulong ng pribadong sektor upang tugunan sa pamamgitan ng kanilang kakayanan at malaking pamumuhunang kailangan sa pagtatayo ng isang matatag at malakas in imprastrakturang digital.
Ika nga ni G. Jaime Augusto Zobel de Ayala, Chairman at CEO ng Ayala Corporation, na ang pribadong sektor ay hindi lamang nagbibigay ng trabaho sa panahon ng pandemya at malaki ang inaambag sa kaunlaran ng bansa. Dagdag dito, tinuldukan ni G. Ayala ang kanyang pahayag sa pamamagitan ng pagbanggit sa papel ng pribadong sektor bilang pangunahing timon sa muling pagsulong ng bansa.
Malinaw na kailangan ang sabay na pamumuhunan ng gobyerno at pribadong sektor upang palawakin ang ating digital infrastructure at higit pang paunlarin ang teknolohiyang digital sa pag-ahon ng ating ekonomiya.
Patuloy namang isinasaayos at pinag-iigi ng mga pribadong kumpanya sa telekomunikasyon ang kanilang serbisyo sa gitna ng pandemya. Sa panig ng Smart Communications, Inc., inihayag kamakailan ni G. Panlilio na sa nakaraang ng limang taon ay nagbuhos ng pamumuhunan ang Smart na umaabot sa Php 260 bilyung kapital. At sa taong 2019 ay Php 73 bilyun naman ang naipuhunan nito. Para sa Globe Telecom Inc. naman, isinaad ni G. Cu na nasa proseso sila ng lubusang pagpapaunlad ng kanilang serbisyo sa pamamagitan ng mabilisang pagtatayo ng mga cell site. Sa taong 2020, sinabi rin ni G. Cu na namuhunan ang Globe ng Php 50 bilyon. Ang mga hakbang na ito ay pinasalamatan ni G. Harry Roque, tagapagsalita ng Pangulo sa isang pagpupulong sa Malacañang.
Ang BK3 ay umaasa na sa pakikipagtulungan ng ating pambansa at lokal na gobyerno sa mga kumpanya ng telekomunikasyon, magiging mabilis ang pag-apruba ng mga permit sa pagtatayo ng mga cell site at iba pang mga imprastrakturang magpapaganda at magpapalawak ng serbisyong komunikasyon at mabilis na internet.
Samakatwid, walang ibang makikinabang sa ganitong ugnayan ng sambayanan kundi ang lahat ng konsyumer.