Ayusin ang supply ng enerhiya para sa bansa! Kilos DOE!
Pumalo ng P7.72 kada kilowatt hour (kWh) nung Mayo, mahigit doble mula sa P3.85 noong Abril ang average na presyo ng bultuhang kuryente mula sa wholesale electricity spot market o WESM, ang Independent Electricity Market Operator ng Pilipinas (IEMOP)
Dahil daw ito ang sunud-sunod na pagkagambala sa supply ng kuryente na nararanasan nating mga konsyumer sa ilang lugar sa bansa, maging sa kamaynilaan. Kaugnay din dito ang pagtaas ng “demand” o volume ng pangangailangan ng mga konsyumer.
Ang tanong, bakit hindi pinaghandaan ng mga pambansang ahensiyang nangangasiwa sa sektor ng enerhiya ang kakulangan sa supply ng kuryente? Kung kailan pa higit na kinakailangan ng mga mamamayan ang kuryente, ngayon pa talaga nagtataas ng presyo ang WESM! Panggigipit na ito sa ating mga konsyumer na wala namang magawa kundi sikmurain ang naturang pagtaas ng presyo!
Nanananawagan ang BK3 sa mga power plant na nagbebenta ng kuryente sa WESM na huwag namang masyadong mataas ang presyong ipataw sa suplay na enerhiya. Dapat agarang imbestigahan ng Department of Energy (DOE) ang sobrang dami at sabay-sabay na diumano’y “forced outage” o biglaang pagtigil ng operasyon nang dahil sa kung anu-anong dahilan. Ilang beses na ito nangyari. Dapat parusahan kung mapatunayang walang basehan ang kanilang pagtigil ng operasyon. Hindi maalis sa isipan na madaling magtawagan ang mga power plant para gumawa ng pekeng krisis na magpapataas ng presyo ng kuryente. Syempre tayong mga maliliit na konsyumer nanaman ang kawawa nito.
Napakatinding dagok ito sa karaniwang konsyumer. Ang mga negosyanteng hirap na hirap nang pasuwelduhin ang kanilang mga mga empleyadong kasalukuyang nagtatrabaho mula sa kanilang mga tahanan ay mas lalo pa bang bibigyan ng perwisyo? Paano tayo makakapagtrabaho online kung walang kuryente?!
Paano na rin ang mga guro at mag-aaral na nagsasagawa ng kanilang online classes kung hindi maasahan ang normal na pag-supply ng kuryente sa kanilang mga tahanan?
Ilang taon nang sinisigaw ng BK3 na kulang ang mga power plant sa bansa at dapat ayusin ang masalimuot na burukrasya na siya’ng pangunahing dahilan kung bakit takot ang mga imbestor tumaya ng bilyon-bilyong kapital para sa pagpapatayo ng kailangan nating power plant. Ayan, eto nanaman tayo. Hindi tayo makaka-ahon sa krisis na ito kung puro brownout ang buhay natin.
Tama na po! Ayusin ang supply ng enerhiya para sa bansa! Kilos DOE!