SABAY NA PAUNLARIN: EKONOMIYA AT PAMBANSANG SEGURIDAD!
Kamakailan lamang ay ginawang prayoridad ng Senado ang agarang pagpapasa ng Senate Bill No. 2094 o Amendments to the Public Service Act.
Ang Public Services Act o PSA, ay ang pambansang batas na nagtatakda ng patakaran sa pagpapaunlad at pamamalakad ng mga serbisyong pampubliko gaya ng pampublikong transportasyon at distribusyon ng enerhiya at tubig. Dahil sa kalumaan nito, hindi na ito angkop sa panibagong galaw ng ekonomiya at pangangalakal sa mundo.
Gayon, layunin ng SB No. 2094 na amyendahan ang iilang probisyon na nakasaad dito tulad ng pagbago sa klasipikasyon ng sektor ng telekomunikasyon mula sa dating “public utility” ay magiging “public service”. Ang magiging resulta ay ang pagpayag na magmay-ari ang mga dayuhan ng negosyo rito sa Pilipinas nang hanggang 100%.
Nararapat lamang na mas luwagan ang mga restriksyon sa pagmamay-ari ng mga dayuhan ng negosyo sa bansa upang mas makapagpausbong ng kumpetisyon at pati na rin mga trabaho. Subalit, nararapat na siguraduhin din na hindi malalagay sa panganib ang seguridad ng bansa!
Kaya’y nakasaad sa SB No. 2094 na ang sektor ng telekomunikasyon ay ipabibilang sa mga “critical infrastructure” kung saan daraan sa mahigpit na paglilitiis ng “National Security Council” ang mga dayuhang nagnanais na magmay-ari ng kompanya sa sektor na ito. Maigting ding ipinagbabawal na magmay-ari ang mga state-owned enterprises o mga kompanyang pagmamay-ari ng gobyerno ng ibang bansa.
Malugod na sinusuportahan namin sa BK3 ang panukalang ito, ngunit nais naming bigyang diin na bukod sa importansyang ibinibigay natin sa agarang pag-unlad ng ekonomiya, gayun din dapat ang importansyang ibinibigay natin sa seguridad at soberanya ng ating bansa lalo na’t kailan lang ay idinaos ang ika-123 na anibersaryo ng Araw ng Kalayaan. Pausbungin ang trabaho’t ekonomiya! Ipaglaban ang soberanya ng bansa!