Ibunyag ang katotohanan ng Pharmally!

Kalunos-lunos at Kriminal na kapabayaan!

Ibunyag ang katotohanan ng Pharmally!

Sa pag-aaral na sinagawa ng isang grupo ng mga sertipikadong accountant para sa samahang Right To Know, Right Now! Coalition at Citizen’s Budget Tracker, malinaw na naipakitang maanomalya o kwestiyonable ang mga kontratang napagkasunduan sa pagitan ng Pamahalaan at Pharmally Corporation. Ang korporasyong ito ay pinamumunuuan ng isang mag-amang Tsino na sinasabing may mga nakabinbing kaso pa nga at may warrant of arrest sa bansang Taiwan.

Nakatutok ang naturang pag-aaral sa mga kontratang pinasok ng Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) noong 2020 para sa kapakanan diumano ng programa ng Department of Health (DOH) hinggil sa paglaban sa COVID. Umabot sa kabuuang higit sa 7-bilyung piso ang halaga ng mga kontratang ito.

Higit sa lahat, bakit nakipagkontrata ang DBM mismo sa isang kwestiyonableng korporasyon na pinamumunuan din ng mga kaduda-dudang dayuhang tao? Ayon sa pinansyal na pagsusuri, nasa mataas na panganib ang katayuan ng Pharmally batay halimbawa sa kakulangan o kawalan ng track record, posibleng di pagdedeklara ng VAT, kakulangan ng contracting capacity, at nawawala o kulang na mga deklarasyon sa kanyang 2020 Financial Statements.

Hindi biro ang halagang iniluwal ng bansa sa mga kontratang ito. Bawat sentimo nito ay mula sa pawis at dugo ng mga nagbabayad ng buwis sa ating bansa, lalo na tayong mga konsyumer.

Tandaan nating bawat konsyumer ay nagbabayad ng VAT (Value Added Tax) sa bawat binibili nating bagay sa merkado, samantalang heto ang DBM at DOH na pumasok sa isang masansang na kontrata, at tila nagtapon ng salapi ng bayan para sa kontrata o mga kontratang kahinahinala.

Isa itong kalunus-lunos at kriminal na kapabayaan sa panahon ng PANDEMIYA!

Ibunyag ang katotohanan! Panagutin ang mga may kagagawan!