Ekonomiyang Internet: Kaagapay sa Pag-Ahon, Pag-Unlad at Pagbabago
Nangunguna ang Pilipinas sa pagtaas ng paggamit sa internet sa buong Timog Silangang Asya ngayong pandemya. Ayon ito sa ulat ng Google, Temasek at Bain and Company na inilabas noong Nobyembre 10.
Ngayon taong ito, inaasahang lulundag and Gross Merchandise Value (GMV), o ang kabuuang halaga ng mga bagay na naikalakal sa internet, sa halagang $17 bilyon – o pagtaas ng 93% mula sa GMV noong 2020. Ayon pa sa ulat, aabot sa $40 bilyon ang magiging halaga ng internet economy pagdating ng taong 2025.
Dahil sa matagal at malawakang lockdown, 12 milyong Pilipino ang naging bagong konsyumer sa pamamagitan ng internet. Sa bilang na ito, 65% ang nasa labas ng malalaking syudad. Kasama sa mga online na transaksyon ang e-commerce, online media, transportasyon at pagkain, online travel, digital financial services, health tech at education technology.
Sa palagay din ng may 39% ng maliliit na negosyante, hindi nila makakayanan ang krisis na dulot ng pandemya kung walang internet na tumulong sa kanila.
Napakalinaw, kung gayon, na nariyan ang oportunidad na paunlarin ang ating ekonomiya sa pamamagitan ng mabilis, maasahan, at abot-kayang internet hindi lang para sa urban centers kung hindi sa buong Pilipinas, para sa lahat ng Pilipino.
Ang tanong: Sasakyan ba ng ating gobyerno ang oportunidad na ito?
Kahit na malaki ang pag-angat ng paggamit ng internet ng mga Pilipinong konsyumer, at kahit na napakarami na nating kababayan ang gumagamit ng smartphone, patuloy silang nahihirapan dahil sa mga kakulangan sa ating imprastrakturang digital. Patuloy nating binubuno ang hamon ng teknolohiya dahil hindi patas ang distribusyon ng serbisyong internet sa iba’t ibang lugar sa ating bansa.
Nananawagan tayo sa pamahalaan na masusing tukuyin ang mga prayoridad na programa para sa ating bayan. Huwag atupagin ang mga bagay na walang kapakinabangan sa bayan at tuluyang tanggalin ang pansariling interes. Maging maagap sa mga posibleng mangyari sa kinabukasan upang makatugon nang mabilis at di mapag-iwanan ng panahon. Tanggalin ang “red tape” upang ang mga digital na imprastraktura ay tuluyan mailatag at pakinabangan ng nakararami.
Kitang-kita kung gaano nakatulong ang teknolohiya sa halos bawat aspeto ng pamumuhay ngayong may pandemya. Pagtapos ng pandemya, tungo sa “next normal,” hindi na maiaalis ang pangangailangan natin dito.
Sayang ang benepisyo at potensyal na dulot ng teknolohiyang internet kung di natin ito lubos na mapapakinabangan.
Sa ating mga kababayan, nawa’y pumili tayo ng mga susunod na lider na naiintindihan ang kapangyarihan at potensyal ng teknolohiya tungo sa tunay na pag-ahon, pag-unlad at pagbabago.