Para sa karaniwang pasahero
Ikinagagalak ng BK3, sa ngalan ng milyong pangkaraniwang pasahero, ang naging pahayag ng Department of Transportation na wala itong nakikitang isyu o balakid sa tambalan ng Grab at Move It.
Malinaw namang sa interes ng mga Pilipinong araw araw na nakikipagsapalaran sa lansangan ang pagsasanib pwersa ng dalawang kompanyang ito.
Kalunos-lunos ang estado ng pampublikong transportasyon dito sa atin. Lalo ngayo’t halos balik na sa dati ang regular na face-to-face na pagpasok sa trabaho at paaralan, dagdag sa araw-araw na kalbaryo ng mga manggagawa at estudyante ang hirap sa pagkuha ng masasakyan patungo sa kanilang paroroonan, at pauwi. Nagtataasan na nga ang pamasahe, wala pang ginhawa sa pag-aabang ng masasakyan at pagsakay nang komportable. Dagdag pa rito ang init ng araw o pagbuhos ng ulan.
Tunay na mahirap ang maging karaniwang pasahero dito sa ating bayan.
Konsuwelo na sana ang pagkakaroon ng motorcycle taxis. Dinadagdagan ng mga ito ang mga paraan ng pagbibiyahe na pwedeng pagpilian ng mamamayan. Sa tulong ng mga app-based na pagsakay, kahit paano ay naiibsan ang hirap at nakakarating sila sa kanilang patutunguhan nang mas mabilis, at hindi nila kailangang magbayad ng napakamahal na halaga.
Tigilan na sana ang mga pagdududa sa pagsasanib-pwersa nga Grab at Move It. Hangarin nitong maibsan kahit kaunti ang paghihirap ng mga pasaherong Pilipino. Ang dapat pagtuunan ng pansin ngayon ay kung paano magtutulungan ang motorcycle taxi companies na paigtingin ang kaligtasan sa bawat sakay.
Ang isang dapat maging prayoridad ng ating mambabatas ay kung paano maisasakatuparan ang pagpasa ng Motorcycle-For-Hire Regulation Act ng sa ganun ay maging permanente at maayos ang pagtataguyod nito.
Sadyang mahirap na ngang mamuhay sa araw-araw lalo na’t patuloy ang pagtaas ng presyo ng bilihin. Sa ganitong paraan man lang sana ay matulungan natin ang karaniwang Pilipino na nagsisikap maitaguyod ang sarili at pamilya.
Louie Montemar
Convenor