Anti- red tape EO para sa imprastrakturang pang-digital

May matinding pangangailangan upang maglabas ang Malacañang ng isang executive order (EO) hinggil sa kritikal na imprastraktura upang maalis ang mga umiipit sa burukrasiya at sumusupil sa potensyal ng Pilipinas na maging isang matatag at maunlad na bansa.

Bilang tagapagtaguyod ng interes ng mga mamimili at ordinaryong mamamayan, ang BK3 ay sumusuporta sa mga panawagan para sa pagkakaroon ng isang bagong kautusan na dapat sumaklaw sa digital na telekomunikasyon. Sa madaling salita, lahat ng tore, kable, at ano pang kailangan upang maging konektado tayo sa internet at gumana ang ating mga smartphone.

Ang EO na ito’y dapat pagsama-samahin at isaayos ang magkakahiwalay na patakaran o kautusan ng iba’t ibang ahensiya, at dapat na magabayan at pagyamanin ng mga rekomendasyon mula sa pribadong sektor.

Binibigyang-diin ng ating karanasan sa pandemya ang pangangailangan upang magkaroon ng maaayos na impraistruktura na siyang gulugod ng pambansang ekonomiya at isang mahalagang sangkap sa pagkamit ng ating pangarap para sa pambansang kaunlaran.

Ang ating bayan ay pinagkalooban ng masaganang likas-yaman at yamang-tao.  Kailangan ng pamahalaang gampanan ang kanyang tungkulin na tumugon sa pangangailangan ng kanyang mga mamamayan para sa isang mas mahusay na kalidad ng buhay, at magagawa ito sa pamamagitan ng mga patakarang tulad ng minumungkahing kautusang pang-ehekutibo hinggil sa digital na imprastraktura.