Energy Efficiency: Gawing Bahagi ng Ating Pamumuhay


Panahon na naman ng tag-init, at nagkaka RED at Yellow alert nanaman. Kasunod ng mainit na panahon ay ang matinding paggamit natin sa iba’t-ibang kasangkapang magbibigay ginhawa gaya ng aircon, electric fan at maging ang mga refrigerator. Ang mga kasangkapang ito ay may mataas na konsumo sa kuryente at dagdag pa diyan ang patuloy na pagbabad sa paggamit. Sa puntong ito ay mababa na nga ang suplay ng kuryente ay mas lalo pang bababa ang suplay gawa ng matinding konsumo nito.

Di natin maiiwasan ang matinding paggamit ng mga kasangkapan pampalamig upang tayo ay maginhawahan. Subalit dapat din nating isaalang-alang na ang mga kasangkapan may mataas na “Energy Efficiency Rate” ang ating maging prayoridad na gamitin o bilhin. Ang mga ito ay may mas mabababang singil sa kuryente at ang maliit na konsumo ng kuryente ay makakatulong upang tiyakin may sapat na suplay ng kuryente para sa ating lahat.

Maging ang pribadong sektor ay kailangan din maging katuwang sa pagkakaroon ng mga mekanismo upang matiyak ang sapat na suplay na kuryente. Sa mga kagamitan at sistema ng kanilang kumpanya ay kailangan din maging konsiderasyon ang mas mababang konsumo na siyang mangangahulugang mas mura “production cost o service cost”.

Sa ating kasalukuyan pamahalaan, ay panawagan ng BK3 na makahanap pa ng mga mas murang teknolohiyang maaangkat na may dalang mas mataas na “Energy Efficient Rate” na mga kagamitan upang mas mahikayat at tangkilikin ng publiko. Pag-aralan din ang unti-unting pagphase-out ng mga lumang kagamitan na may mababang “Energy Efficiency Rate” na siya lamang nagpapabigat sa konsumo ng kuryente.

Sa hanay ng mga Distribution Utilities, magtulung-tulong na tumuklas pa ng mga iba pang mga teknolohiyang o sistemang magpapababa sa konsumo ng kuryente. Tiyak naman lahat ng nasa industriya ito ay naghahanap pa na mapababa ang kani-kanilang konsumo kaya mainam ang patuloy na ugnayan ng bawat isa mula sa maliit hanggang sa malaking mga electric companies at cooperatives.

Bawat isa ay may responsibilidad sa pagkonsumo ng kuryente. Sa tuwing tayo ay gagamit ng ating mga kasangkapan ay lagi nating isipin ang mas kapaki-pakinabang na mga kagamitan hindi lamang sa pansarili kundi sa pangkalahatan.

Mas mahirap at magastos ang pamumuhay na walang sapat na kuryente. Kaya naman tayo ng kumilos maliban sa pagtitipid ay simulang gumamit ng mga kagamitan o kasangkapan may mataas na Energy Efficiency Rate.

Alam na nating kinakapos ang suplay ng kuyente. Bilang mga konsyumer, bawat kilos at oras ng pagtitipid ay makakatulong. Kung may napapansin kayong tila maaksaya sa paggamit ng kuryente, pakiusapan natin sila.

Pet A. Climaco
Secretary – General
BK3