WALANG BASEHAN ANG NAPIPINTONG PAGTAAS NG AIRPORT FEES SA NAIA

Kinokondena ng BK3 ang panukalang pagtataas ng mga airport fees sa Ninoy Aquino International Airport. Isa na naman itong walang kapararakang pagpapahirap sa karaniwang Pilipino, bunsod ng mga mapagsamantalang interes ng iilan sa ating lipunan at kakulangan ng tamang pamamahala ng ilan sa ating  opisyal. 

Ayon sa mga ulat sa pahayagan, ang passenger service charge para sa mga lokal na pasahero ay magiging P390 mula P200, samantalang ang mga bibiyahe pa-ibang bansa ay kailangang magbayad ng P950 mula sa P550.

Ilang panahon na ring napupulaan ang NAIA bilang isa sa mga pinakamababang kalidad na paliparan. Pero ngayong nakakuha na ng katuwang ang gobyerno mula sa pribadong sektor na ayusin ang NAIA, bakit sa mamamayan pa rin iaasa ang pagpopondo sa mga gastusin kakailanganin sa pag-aayos nito? Hindi ba’t ito nga mismo ang saysay ng pagkuha ng concessionaire?

Hindi katanggap-tanggap na bago pa man makakita ng alinmang pagbabago sa paliparan ay agaran nang magbabayad nang mas mataas na halaga ang mga gumagamit nito. Dahil sino ba naman ang gumagamit ng NAIA kundi mga kababayan nating nagsakripisyong mangibang-bansa para maghanapbuhay para sa kanilang mga mahal sa buhay, o mga simpleng Pilipinong nakapagtabi ng maliit na halaga para makapagbakasyon nang sandali at makapagpahinga?

At ano na ang impresyong makukuha ng mga mamumuhunan o turista kapag tumuntong sila rito sa ating bayan at malaman nilang mas malaking halaga na agad ang kailangan nilang ibayad gayong hindi pa nga nag-uumpisa ang mga pagbabagong naipangako sa ilalim ng bagong concessionaire sa NAIA?

Nasaan ang masusing pag-aaral na ginamit na batayan para sabihin kung gaano kalaki ang dagdag na halagang kailangang bayaran ng mga gagamit ng paliparan, at kung anong buti ang maidudulot nito sa kanila bukod sa simpleng pangako ng mas maayos na mga pasilidad?

At bakit agad agad sinulatan diumano ang mga kasalukuyang concessionaire sa loob ng paliparan para iwan na raw ang kanilang mga puwesto sa loob ng 40 na araw? Ano na ang plano para sa mga itong may lehitimong negosyo – nahaharap sila ngayon sa walang kasiguruhan at nanganganib ang hanapbuhay ng kanilang mga empleyado?

Maraming dapat ipaliwanag ang pamunuan ng paliparan sa kanilang pagpayag sa pagtaas ng airport fees gayong walang-wala pang ebidensiya na mapapabuti nga ang lagay ng ating paliparan. Walang-wala ring basehan para ibigay sa kaawa-awang mamamayan ang pasanin ng dagdag na bayarin, gayong ang nanalong bidder dapat ang magpondo sa mga pagbabagong gagawin sa paliparan. Para que pang nariyan ang kanilang ipinagmamalaking kapital at financial muscle?

Dinggin nawa ng gobyerno itong hinaing ng mamamayan — kung tunay mang ating kabutihan ang nasa kanilang isipan.