1,000 MW RENEWABLE ENERGY ITATAYO NG MERALCO!
Sa ganang ito, malaking bagay ang pahayag ng Meralco hinggil sa palalakihing pamumuhunan nito sa mga planta ng kuryente na lilikha ng renewable o green energy. Ayon mismo sa bagong pangulo at CEO ng Meralco na si Atty. Ray Espinosa, ang korporasyon ay mamuhunan sa mga proyekto sa RE na lilikha ng dagdag na 1,000 megawatts (MW) sa susunod na 5-7 taon.
Ayon kay Atty. Espinosa, ang Meralco ay nakatuon sa pagpapaunlad ng malalaking proyekto ng renewable energy na lilikha ng kuryente sa antas na competitive para sa mga mamimili, “nang walang anumang pangangailangan para sa subsidya, habang pinapanatili ang pangangalaga sa kapaligiran.”
Ang naging mga pagbaba ng gastusin sa pagpapaunlad ng mga renewable energy projects, lalo na sa solar at hangin nitong mga nakalipas na taon, ang nagtulak sa Meralco na mas suungin ang landas na ito.
Magandang balita ang pahayag ng Meralco na mamuhunan sa renewable energy o RE nang walang tulong na salapi o subsidyo mula sa mga konsyumer. Bukod na malaking tulong ito na mapunan ang banta ng kakulangan ng suplay ng kuryente sa isang lumalagong ekonomiya, isang makabuluhang ambag ito sa pangagalaga sa ating kapaligiran sa panahon ng climate change (o para sa iba nga, climate crisis).
Malinaw ang benepisyo sa kapaligiran ng paggamit ng RE. Kailangan natin paunlarin pa ang teknolohiya at tangkilikin ito. Kailangan natin ng mas maraming kompetisyon sa kuryente na kokontra sa mala-monopolyang pagpresyo sa kuryente at maging sapat ang suplay para sa lahat ng mga konsyumer.