MAGSASAKANG PILIPINO: MAGTANIM AY DI BIRO; PANAWAGAN SA PAGPAPAWALANG-BISA NG RICE TARIFFICATION LAW
MAGSASAKANG PILIPINO: MAGTANIM AY DI BIRO; PANAWAGAN SA PAGPAPAWALANG-BISA NG RICE TARIFFICATION LAW
Nanawagan ang ilang grupong magsasaka na ipa-walang-bisa ang RA 11203 o RTL na nagdulot sa pagbagsak ng presyo ng lokal na palay. Marahil napapagtanto na ang epekto ng nasabing batas ay nakasama sa mga magsasakang Pilipino. Totoong mahirap na magtanim sa bukid at sa panahong aanihin na lang ito na siyang tutubos sa kanilang paghihirap ay sasalubungin pa ng paluging halaga ng palay. Totoo naman malaking dagok ito sa hanay ng ilang milyong pamilyang nabubuhay sa pagtatanim ng palay.
Pero dapat din natin tingnan ang mabuting handog ng batas na ito. Gaya na lamang ng ayuda sa mga magsasaka. Dapat itong tiyakin na talagang makakaabot ang anumang tulong para sa mga magsasaka. Dapat na busisiin ng mga kagawaran ng pamahalaan (DA at NFA) na siyang nangangalaga sa hanay ng agrikultura ang nararapat na teknolohiya, mekanisasyon at sistema alinsunod na rin sa mga probisyon ng nasabing batas. Ang mga nasabing tulong ay kailangang maging epektibo para di mawalan ng saysay.
Sa kasalukuyan, ang kabuuang konsyumer ay nakikinabang sa sapat na suplay at mababang halaga ng bigas. Pero ayaw din nating tuluyang maglaho o mamatay ang sektor ng pagsasaka. Nangyari na dati na naghigpit ang Thailand sa export ng kanilang bigas at umabot ng mahigit P50 kada kilo ang pag-angkat ng bigas. Dahil na rin sa nagbabagong pangdaigdigang panahon at tuloy na pagdami ng populashyon, sinasabi ng mga expert na magiging matinding problema pagkain dahin sa pagdami sa mga susunod na dekada. Dapat paghanadaan na natin ito.
Sa panig ng BK3, kinakailangan din natin na magkaroon ng mga konkretong batas na pangmatagalang tutugon sa lumalalang krisis sa industriya ng agrikultura at pagkain. Panawagan natin sa gobyerno at mambabatas na timbangin ang interes ng mga magsasaka at ng mga konsyumer na siyang tunay na makikinabang at di ng iilang nanamantalang negosyante.