Chinese Cash: Sabotaheng Pang-ekonomiya o Ikalimang Hanay?
Chinese Cash: Sabotaheng Pang-ekonomiya o Ikalimang Hanay?
Pahayag ng BK3 sa mungkahing imbestigasyon ng Senado hinggil sa mga bisitang Tsino na may dalang malalaking halaga papasok sa bansa.
Sa loob ng halos tatlong buwan lamang mula nitong nakaraang Disyembre, naulat ng mismong Bureau of Customs na halos siyam na bilyong piso (9 bilyong piso o 180 milyong dolyar) ang naipasok ng iba’t ibang Tsinong bumiyahe sa ating bansa, partikular na iyong mga nanggaling sa HongKong kung saan maluwag ang pagpapadaloy ng mga naturang halaga.
Tila kay gandang pakinggang may salaping dumadaloy papasok sa bansa! Ang kaso, hindi po ito pamumuhunan sa negosyo. Hindi rin natin matiyak kung para saan mismo ito gagamitin o nagamit. Lalong wala tayong paraan upang matukoy ang tunay na pinanggalingan ng nasabing napakalalaking halaga.
Hindi biro ang nababalitang mabilis na pagdaloy ng ganito kalaking salapi. May malinaw na epekto ito sa lagay ng ating ekonomiya sa partikular, at sa ating lipunan sa pangkalahatan. Ang tanong—magiging maganda ang kabuuang epekto nito o isa ba itong banta sa ating bansa? Sa ating lahat?
Sa bilyun-bilyong halagang pumasok, nababago ang presyo ng bilihin sa mga partikular na lokalidad. Halimbawa na lamang, napakabilis ng pagbulusok pataas ng presyo ng mga condo at apartment sa Metro Manila. Talo ang mga Filipinong naghahanap ng tutuluyan sa nagaganap na presyuhan. Tila sabotaheng pang-ekonomiya!
Higit sa lahat, hindi kaya nauugnay sa criminal activities gaya ng money laundering ang pagbaha na ito ng cash? O hindi kaya ito bahagi ng paghahanda at pagbuo ng isang fifth column sa ating bansa—isang hanay ng mga bisita, turista, o negosyante kuno na sa totoo’y pwersang panakop pala ng mga dayuhan? Ang pondong dala ba ng mga dayuhang ito ay pampalambot sa damdamin ng madadaling madala ng kapangyarihan ng salapi?
Ang kapansin-pansing karaniwang prente ng mga dayuhang ito, maglalaro raw sila sa mga casino at mga pogo kaya may dala-dala silang bultu-bultong cash. Alam naman na nating napakakwestiyonable ng maraming pogo operations ngayon. Dagdag pa, anong klaseng lipunan tayo kung ang pagsusugal lamang pala ang tunay na dahilan sa pagdagsa ng mga Tsino sa atin.
Maraming dapat itanong at tiyakin sa usaping ito. Kailangang maghalungkat pa ang ating mga mambabatas! Suportahan natin ang imbestigasyong mungkahi ng Senado! Galaw-galaw naman mga ahensiya ng pamahalaan! Usisaing mabuti ang usapin. Pambansang interes at seguridad natin ang nakataya!
Suportado ng BK3 ang inisyatibo ni Sen. Richard J. Gordon na maimbistigahan ang kalokohang nangyayari na sana’y tutulak sa gobyerno na kumilos ng mabilis sa usaping ito.
BK3